Just In

Calendar

February 2025
M T W T F S S
 12
3456789
10111213141516
17181920212223
2425262728  
Krimen Source: FB post

Pagiging pugad ng krimen sa Road 10 pinatutuldukan sa PNP

12 Views

MATAGAL nang itinuturing na pugad ng krimen ang Road 10 sa Metro Manila, ngunit ngayon ay mas mahigpit na itong binabantayan ng pulisya matapos igiit ni Senador Raffy Tulfo ang agarang aksyon upang sugpuin ang holdap, snatching, at carnapping sa kahabaan ng kalsadang nag-uugnay sa Navotas at Maynila.

Sa isang pagdinig sa Senado noong Enero 27, 2025, binigyang-diin ni Tulfo, na siya ring tagapangulo ng Committee on Public Services, ang kawalan ng sapat na presensya ng pulisya sa lugar, na siyang dahilan umano ng patuloy na kriminalidad. Hinimok niya si PNP Deputy Director for Operations PBGen. Reynaldo Pawid na agad na umaksyon, at binigyan lamang ito ng limang araw upang simulan ang pagpapatupad ng mas mahigpit na seguridad. Pumayag si Pawid sa hamon.

Agad na kumilos ang Philippine National Police (PNP) at agad na nagpakalat ng mga tauhan sa lugar. Mismong ang Senate team ni Tulfo ang bumaba upang personal na suriin ang pagbabago, na nagresulta sa malaking pagbaba ng insidente ng krimen sa naturang kalsada.

“Nireport ng aking mga staff na malaki na ang pinagbago ng kalsada dahil mayroon nang karagdagang police outposts na gawa sa container vans at may sapat na ilaw sa harapan. Gayundin ay dagdag na 48 PNP personnel na naka-duty sa Road 10, 24/7,” ani Tulfo.

“Mayroon na ring naka-standby na dalawang police mobile at police motorcycle units na rumoronda sa kahabaan ng Road 10. Nagtalaga na rin ng mga pulis sa mga major intersection islands ng Kapulong at Zaragosa Streets,” dagdag pa niya.

Sa matagal na panahon, kinatakutan ng mga residente at mananakay ang pagdaan sa Road 10. Ngunit matapos ang mabilis na aksyon ng PNP, marami na ngayon ang nagsasabing mas ligtas na silang nakakabiyahe sa lugar.

Tiniyak ng PNP na mananatili ang kanilang pinaigting na presensya sa Road 10, habang tiniyak naman ni Tulfo na patuloy niyang susubaybayan ang pagpapatupad ng mga ito.

“Hindi ito dapat panandalian lang. Patuloy kong babantayan ang PNP para matiyak na mananatili ang ganitong antas ng seguridad para sa lahat ng dumadaan sa Road 10,” aniya.

Ayon kay Tulfo, dahil sa pinaigting na aksyon ng mga awtoridad, maaaring tuluyan nang magbago ang masamang reputasyon ng Road 10 at maging ligtas na ito para sa lahat.