Calendar

Pagkaantala ng bayad ng gobyerno sa mga ospital hiniling tingnan
ISINUMITE ni Bagong Henerasyon Party-list Rep. Robert Nazal nitong Martes ang isang resolusyon na humihiling ng imbestigasyon sa Kamara kaugnay ng patuloy na pagkaantala ng bayad ng gobyerno sa mga pampubliko at pribadong ospital — na, ayon sa kanya, ay naglalagay sa buhay ng mamamayan sa peligro, nagpapahina sa mga institusyon, at lumalabag sa karapatan sa kalusugan na itinatadhana ng Konstitusyon.
Ayon sa resolusyon, inaatasan ang mga Komite ng Kalusugan, Magandang Pamahalaan at Pampublikong Pananagutan, at Appropriations na magsagawa ng pinagsamang pagdinig bilang bahagi ng pagbabalangkas ng batas, upang tukuyin ang lawak ng epekto ng mga hindi nababayarang claims ng Department of Health (DOH), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), at iba pang ahensyang sangkot.
Bunsod ito ng pahayag ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) noong Hulyo 6, kung saan sinabi nilang marami sa kanilang kasaping ospital ang ititigil na ang pagtanggap ng guarantee letters para sa mga indigent patient dahil sa higit P530 milyong hindi pa nababayarang claims.
Ayon sa PHAPI, isang ospital pa lang sa Batangas ang may higit P94 milyon na hindi pa nababayaran ng gobyerno para sa mga serbisyong naibigay na.
“Hindi ito mga utang sa papel lang. Ito ay mga emergency surgery na naisagawa na, mga sanggol na naipanganak, chemotherapy na naibigay, at mga buhay na pansamantalang nailigtas—ngayon ay nanganganib dahil sa kapabayaan ng burukrasya,” saad sa resolusyon ni Nazal.
“Bawat claim na hindi nabayaran ay isang inang tinanggihan, isang batang hindi nagamot, at isang pamilyang nalubog sa utang o dalamhati sa serbisyong ipinangakong libre,” dagdag pa niya.
Binanggit ni Nazal na ang puso ng sistema ng kalusugan ay hindi lang sa mga patakaran, kundi sa oras at maaasahang paghatid ng serbisyo. Kapag naantala o tinanggihan ng gobyerno ang pagbayad sa mga ospital at healthcare workers, nauudlot ang serbisyo — at nalalagay sa panganib ang buhay.
Sa ilalim ng Universal Health Care Act at Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act, obligadong proseso at bayaran ng mga ahensya ang mga lehitimong claim sa itinakdang panahon.
“Ngunit paulit-ulit itong hindi sinusunod — walang parusa, walang pananagutan, at walang pagmamadali,” ani Nazal.
Binigyang-diin din niya na sa Pilipinas, ang pagkaantala ng paggamot ay madalas nauuwi sa pagkamatay, lalo na sa mga mahihirap at bulnerableng pasyente.
“Hinihingi natin sa ating mga doktor ang himala, pero ni bayaran sila sa tamang oras, hindi magawa. Walang health worker ang dapat mamili sa pagitan ng serbisyo at sariling kabuhayan. Wala ring ospital ang dapat mamili sa pagitan ng awa at pagsasara.”
Ipinanawagan ni Nazal ang kumprehensibong imbestigasyon sa mga ugat ng pagkaantala, tulad ng mga palpak na digital claims system, mabagal na proseso ng paglalabas ng pondo, at mga lumang internal control.
Nanawagan din siya na panagutin ang mga opisyal na mapapatunayang pabaya, may ginawang katiwalian, o lumabag sa tungkulin.
Saklaw din ng imbestigasyon ang mga abuso ng ilang ospital sa case-rate system, kabilang ang overcharging at fraudulent billing.
Iminungkahi ni Nazal ang mga reformang pangmatagalan tulad ng:
Batas na nagtatakda ng malinaw at ipatutupad na deadline sa bayaran
Public dashboard para matrack ang mga claim mula submission hanggang bayad
Independent oversight body na may kapangyarihang magsiyasat
Dedicated fund para sa indigent patients na hindi maaabala ng pulitika at burukrasya
Bagamat nananawagan ng pananagutan mula sa gobyerno, iginiit din ni Nazal na dapat ring may pananagutan ang pribadong sektor. Ayon sa kanya, may ilang ospital na sinasamantala ang case rates na lalong nagpapakita ng pangangailangan sa mas mahigpit na oversight.
“Hindi na ito basta simpleng backlog sa accounting. Ito ay malinaw na kabiguan sa moralidad. Hindi natin mapagagaling ang bayan kung ginugutom natin ang mga ospital. Kailangan nating kumilos ngayon para ipagtanggol ang karapatan ng bawat Pilipino sa maagap, abot-kaya, at nakapagliligtas-buhay na serbisyong medikal,” pagtatapos ni Nazal.