Cayetano

Pagkahirang kay Sen. Pia bilang chair ng Senate Blue Ribbon committee ikinatuwa

130 Views

PORMAL ng itinalaga na chairperson ng makapangyarihan Senate Blue Ribbon Committee si Senator Pilar Pia Cayetano Lunes, Enero 22, 2024, matapos siyang iboto ng nakararaming miyembro ng mayorya sa Senado.

Si Sen. Cayetano ang kauna-unahang babaeng chairperson na nahirang na hahawak sa Committee on Accountability of Public Officers and Investigations sa Senado kung saan ay kadalasang matitinding kontrobersiya at masalimuot na isyu patungkol sa legalidad ang pinag uusapan dito. Ang nasabing komite ay dating pinangungunahan ni Senator Francis Tolentino.

Matatandaan na opisyal na nagbitiw si Tolentino nuong nakaraang Disyembre 2023 sa nasabing komite bilang chairman nito gayundin sa Bicam kung saan ay ipinaliwanag ng senador na nagkaroon umano ng kasunduan na kalahati lamang ng termino ang kanyang gagampanan at ibibigay niya ang natitirang kalahati sa senador na mapupusuan ng mayorya.

Ayon naman kay Senate Majority Leader Joel Villanueva maayos ang naging botohan ng mayorya pabor kay Sen. Cayetano at sinabi rin nito na walang ibang nabago sa komposisyon ng mga miyembro ng blue ribbon kundi si Cayetano lamang.

Marami miyembro ng mayorya gayundin ng minorya ang aprubado kay Senadora Cayetano bilang bagong chairperson ng blue ribbon dahil na rin sa kanyang track record bilang abogado bago pa man ito naging senadora.

Ikinatuwa naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang pagkakahirang ni Sen. Cayetano kung saan sinabi ng Pangulo ng Senado na isang malaking karangalan na ang nasabing senadora ang hahawak sa makapangyarihan posisyon sa blue ribbon dahil na rin sa taglay nitong talino at kredibilidad.