Magsino

Pagkakapasa ng OFWs Voting Act of 2023 ikinagalak ni Magsino

Mar Rodriguez Aug 2, 2023
151 Views

IKINAGALAK ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino ang pagkakapasa ng isinulong nitong House Bill No. 6770 o mas kilala bilang Overseas Voting Act of 2023 matapos itong lumusot sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms.

Dahil dito, ipinaliwanag ni Congresswoman Magsino na layunin ng House Bill No. 6770 na amiyendahan o susugan ang Republic Act No. 2003 at ang Republic Act. No. 10590 na kilala naman bilang “Overseas Voting Act of 2013”.

Sinabi ni Magsino na malaki ang maitutulong ng nasabing panukalang batas para mabigyan ng karapatan ang mga OFWs mula sa iba’t-ibang panig ng mundo na makaboto sa pamamagitan ng internet.

Ayon kay Magsino, may akda o main author ng House Bill No. 6770, layunin ng kaniyang panukalang batas na hikayatin ang mga OFWs na makaboto kabilang na dito ang mga Pilipinong naninirahan sa ibang bansa habang pino-protektahan ang kanilang privacy at integridad ng kanilang mga boto na magbibigay sa kanila ng malaking kaginhawahan sa pamamagitan ng internet voting.

Nabatid kay Magsino na tinatayang nasa 12 milyong Pilipino na ang naninirahan sa ibang bansa. Habang nasa 1.69 million naman ang mga rehistradong botante at 39% lamang sa kanila ang aktuwal na bumoboto.