Momo

Pagkakasangkot ng ilang DPWH officials sa katiwalian ikinadismaya ni Rep. Momo

Mar Rodriguez Feb 2, 2026
176 Views

DISMAYADO si Surigao del Sur 1st district Rep. Romeo Momo Sr. sa patuloy na pagkakasangkot ng ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga kontrobersya at katiwalian.

Ipinaliwanag ni Momo na sa kabila ng mga paghihigpit na ipinapatupad ng DPWH para lansagin ang talamak na korapsyon sa ahensiya may mangilan-ngilan pa rin ang tila walang kadala-dala at patuloy na nasasangkot sa katiwalian.

Aminado ang kongresista na hindi basta-basta mapupuksa at malalansag ang sistema ng korapsyon sa loob ng DPWH sapagkat ito na ang naging kalakaran doon sa loob ng napakahabang panahon.

Subalit binigyang diin ni Momo na bagama’t ito na ang naging kalakaran sa loob ng DPWH, hindi ibig sabihin nito na hindi na malalansag ang sistema ng katiwalian sa ahensiya.

Sinabi ni Momo na ang kinakailangan lamang gawin ay paigtingin pa ang paglilinis sa bakuran ng DPWH sa pamamagitan ng pagtutok sa ilang tiwaling opisyal ng ahensiya na nakikipag-sabwatan at humihingi ng komisyon sa mga kontraktor.

Nauna rito, sinibak sa puwesto ang ilang opisyal ng DPWH sa Pampanga 2nd Engineering Office dahil sa pangingikil at paghingi umano nila ng walong porsiyentong komisyon sa isang contractor kaugnay sa kontrata nito sa ahensiya.

Samantala, ininspeksiyon kamakailan ni Momo ang Tag-anongan Bridge sa Cortes, Surigao del Sur para tiyakin kung maayos ang pagkakagawa nito.