QCPD

Pagkamatay ng estudyante sa ligaw na bala sa QC shootout iniimbestigahan, 2 pulis sibak

246 Views

Sinibak sa puwesto ang dalawang pulis na nakatalaga sa Novaliches Police Station (PS 4) ng Quezon City Police District (QCPD) habang iniimbestigahan sa pagkamatay ng 24-anyos na criminology student matapos tamaan ng ligaw na bala sa naganap na shootout sa lungsod noong Linggo ng gabi.

Ayon kay QCPD director, P/Col. Randy Glenn Silvio, bumuo na umano ito ng special investigation team upang alamin kung ang ligaw na bala na nakapatay sa 2nd year criminology student na ay mula sa baril ng kaniyang mga pulis.

“According to him dahil na threat siya, ngayon nandiyan siya pina-paraffin natin at kung may kasalanan siya iniimbestigahan natin, kung may kasalanan siya kakasuhan natin ng criminal and administrative,” paliwanag ni Silvio.

Aniya, dahil magka-angkas ang dalawang pulis nang habulin ang namaril at nakapatay na riding in tandem, ay pareho silang pansamanalang inalis sa puwesto.

“Dalawa muna yung nandito kasi magka-angkas lang naman pero ang tinitingnan lang isang police officer lang yung nagpaputok,” giit ng QCPD chief.

Una dito, pinagbabaril at napatay ang 29-anyos na delivery rider ng riding in tandem, alas- 11:20 noong gabi ng Linggo (February 1), sa Villareal St., Brgy. Gulod, Novaliches, Quezon City.

Nang marinig naman ang putukan ay agad nagtayo ng checkpoint ang mga operatiba ng PS-4 sa pangunguna ni P/Cpt. Elvin Olmedilo sa kanto ng Quirino Highway at Nitang, Brgy. Gulod at namataan ang tumatakas na mga suspek sakay ng motorsiklo.

Agad hinabol ng mga pulis, subalit isa sa mga suspek ang nagpaputok ng baril kaya agad ding gumanti ng pamamaril ang mga awtoridad subalit nakatakas pa rin ang mga ito.
Matapos ang engkwentro, nakitang duguang nakabulgta ang criminology student sa tabi ng kanyang bisikleta matapos na tamaan ng ligaw na bala.