Cloma

Pagkatuklas ng KIG ginunita

104 Views

NAGPASALAMAT nitong Martes si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson sa isang inapo ni Tomas Cloma dahil sa papel ng kanyang ninuno, ayon kay Lacson, sa pagtuklas, pag-okupa, at kalauna’y pagbibigay ng Kalayaan Island Group sa Pilipinas.

Ipinadaan ni Lacson ang kanyang pasasalamat kay Col. Jacquelyn Cloma, isa sa mga opisyal ng militar na nakabinbin ang promosyon sa Commission on Appointments, at na ang kanyang asawa ay apo sa tuhod ng kinikilalang nakatuklas ng KIG.

“Please extend my regards and I’d like to thank him on behalf of his lolo-sa-tuhod, Tomas Cloma, for discovering and occupying and owning and donating to the Philippine government the Kalayaan Island Group,” aniya sa confirmation hearing ng CA committee on defense.

Noong Pebrero, tinutulan ni Lacson ang mungkahi ni Senator Rodante Marcoleta na isuko ng Pilipinas ang KIG, na aniya ay pag-aari ng bansa batay sa prinsipyong legal na “res nullius.”

Sa ilalim ng “res nullius,” ayon kay Lacson, ang sinumang unang makadiskubre at umokupa sa lupang walang kinikilalang may-ari ay maaaring kilalaning may-ari nito.

Sa kaso ng Spratly Islands, sinabi ni Lacson na si Tomas Cloma ang nakatuklas at umokupa sa mga isla bago ito ipinagkaloob sa pamahalaan ng Pilipinas.

May mga pamilyang Pilipino na naninirahan sa KIG, isang bayan sa Palawan na binisita ni Lacson noong 2021.