Barbers

Pagkawala ng 30 sabungero, Nais paimbestigahan ng kongresista para malaman kung sino-sino ang nasa likod nito

Mar Rodriguez Feb 27, 2022
283 Views

Pagkawala ng 30 sabungero imbestigahan ng Kongreso — Barbers

BUNSOD nang lumulubhang sitwasyon sa larangan ng “Online Sabong” kaugnay sa unti-unting pagkawala ng mga “sabungero”. Nananawagan na ang isang Mindanao solon sa liderato ng Kamara de Representantes na imbestigahan narin nito ang nasabing usapin.

Iminungkahi ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa pamunuan ng Kongreso sa panguguna ni House Speaker Lord Allan Velasco na kailangan narin magkaroon ng hiwalay na imbestigasyon ang mga mambabatas hinggil sa naturang kontrobersiya.

Ipinaliwanag ni Barbers na hindi sasapawan ng pagsisiyasat ng Mababang Kapulungan ang imbestigasyon ng Senado. Sapagkat kailangan maliwanagan ang publiko tungkol sa puno’t-dulo ng sunod-sunod na pagdukot sa tatlongpung sabungero.

Binigyang diin ng mambabatas na mahalagang malaman ng Kongreso kung sino-sino ang mga kilalang personalidad na posibleng nasa likod ng pagkawala ng tinatayang tatlongpung sabungero na hinihinalang nagmula sa iba’t-ibang lugar sa bansa.

“Dapat siguro ay mag-imbestiga narin ang Kongreso tungkol sa issue na ito. Sapagkat ang bagay na ito ay isang seryosong usapin na kailangang tutukan naming mga kongresista, dapat alamin kung sino-sino ang mga taong nasa likod ng pagdukot sa mga sabungero”, ayon kay Barbers.

Sa isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad, lumalabas sa kanilang pagsisiyasat na ang mga dinukot na kalalakihan ay hinihinalang sangkot sa pandaraya sa “Online Sabong”. Sa pamamagitan ng “panyonyope” o ang pagsalang ng isang mahinang manok sa laban.

Sinabi pa ni Barbers na kung hindi matitigil ang pagdukot at pagkawala ng mga sabungero. Marahil ay kailangan na munang itigil ang operasyon ng “Online Sabong” sa bansa.

Hangga’t hindi aniya nagkakaroon ng linaw ang nasabing kontrobersiya, hindi nahuhuli ang mga sangkot sa nangyaring pagdukot at hindi sila napapanagot sa batas. Kabilang na ang mga hinihinalang mastermind.

“Kung hindi mahihinto ang mga pagdukot. Dapat siguro ay ipahinto muna ang operation ng Online Sabong, kailangan kasi eh mapanagot sa batas ang mga taong involve dito,” dagdag pa ni Barbers.