Martin

Paglalagay ng SRP sa presyo ng sibuyas suportado ni Speaker Martin Romualdez

Mar Rodriguez May 22, 2023
161 Views

SUPORTADO ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez ang ikakasang hakbang ng Department of Agriculture (DA) sa pamamagitan ng paglalagay ng Suggested Retail Price (SRP) sa presyo ng sibuyas na naglalayong mabigyan ng proteksiyon ang mga konsyumers o mamimili.

Binigyang diin ni Speaker Romualdez na ang paglalagay ng DA ng SRP sa presyo ng sibuyas at iba pang agricultural products ay isang pamamaraan din para tuluyan ng masugpo ang pang-aabuso ng ilang tiwaling negosyante at masawata rin ang malawakang “onion cartel” sa bansa.

Gayunman, ipinaalala ni Romualdez sa pamunuan ng Agriculture Department na maghinay-hinay umano sila sa pagpapataw ng SRP sa presyo ng sibuyas at iba Pang produktong agrikultura na hindi naman makakabigat para sa mga konsyumers partikular na ang mga magsasaka.

“The imposition of a Suggested Retail Price for onions particularly now that market prices are on the uptrend anew will shield our consumers from unconscionably high prices. But extreme care should be taken to ensure that in the imposition of the SRP, the interest of stakeholders such as the consumers are suitably protected,” ayon sa House Speaker.

Una ng sinabi ng DA sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food na nakatakda silang magpatupad ng SRP na P150 per kilo para sa pulang sibuyas at P140 naman para sa putting sibuyas.

Tiniyak din ng DA na papatawan nila ng kaukulang kaso ang sinomang indibiduwal na hindi tatalima sa kautusang ibinaba ng kanilang ahensiya. Kabilang na dito ang mga tusong negosyante na nagpapataw ng sobra-sobrang tubo sa presyo ng sibuyas at iba pang agricultural products.

Sinabi naman ni House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Congressman Faustino “Inno” A. Dy V na ang ipinataw na SRP ng DA ay isang epektibong paraan upang tuluyan ng maprotektahan ang mga mamimili laban sa pangsasamantala ng mga tiwaling negosyante at nasa likod ng onion cartel.

Subalit ipinaliwanag ni Dy na sa pagpapataw ng DA ng SRP sa presyo ng sibuyas at iba pang agricultural products ay kailangan din nilang isaalang-alang ang kapakan at interes ng mga stakeholders katulad ng mga traders, market vendors at maging mga magsasaka ng nasabing produkto.

Kinatigan din ni Dy ang pagsasampa ng kaso laban sa mga personalidad na nasa likod ng onion cartel batay sa naging resulta ng imbestigasyon ng Agriculture and Food Committee para papanagutin ang mga promotor sa pagpapataas o manipulasyon sa presyo ng sibuyas.