Calendar

Paglikha ng State of Imminent Disaster itinutulak sa Senado
IPINANUKALA ni Senator Jose Jinggoy Estrada ang Senate Bill No. 2999 na naglalayong likhain ang “State of Imminent Disaster” bilang bagong mekanismo para sa maagang pagresponde sa mga kalamidad.
Ayon kay Estrada, layon nitong punan ang puwang sa pagitan ng paghahanda at aktwal na pagtugon sa panahon ng sakuna.
Hindi tulad ng State of Calamity na idinedeklara lamang matapos ang malawakang pinsala, ang “State of Imminent Disaster” ay maaaring ideklara batay sa risk assessments at forecast, sa rekomendasyon ng NDRRMC. Ito ay magpapahintulot sa gobyerno na agad na magsagawa ng mga anticipatory actions gaya ng pre-emptive evacuation, stockpiling ng suplay, at pagkukumpuni ng imprastruktura bago pa man tumama ang sakuna.
Bagamat kinikilala na sa mga dokumento gaya ng National Disaster Risk Reduction and Management Plan 2020–2030, wala pa itong legal na basehan, dahilan upang mag-atubili ang ilang LGU na ipatupad ito dahil sa pangambang ma-disallow ang paggamit ng pondo. Kaya’t iminumungkahi ng panukala na ilaan ang 70% ng local disaster funds para sa anticipatory actions.
Tinukoy ni Estrada na kinilala ng NDRRMC noong 2022 ang pangangailangan ng maagang pagkilos sa pamamagitan ng isang resolusyon. Binanggit din niya ang suporta ng mga eksperto at humanitarian organizations sa panukala.
Nanawagan siya sa kapwa mambabatas na gamitin ang pagkakataon upang gawing huwaran ang Pilipinas sa disaster resilience, lalo pa’t kabilang ito sa mga bansang nangunguna sa World Risk Index.
Kasunod ito ng kamakailang naisabatas na Ligtas Pinoy Centers Act na layong paunlarin ang mga evacuation center sa bansa.