Paglilinis sa bakuran ng PNP hinirang na epektibong kampanya vs illegal drugs

Mar Rodriguez Jan 8, 2023
199 Views

NANINIWALA ang isang Northern Luzon congressman na upang maging epektibo ang kampanya ng Philippine National Police (PNP) laban sa salot na “illegal drugs” sa bansa ay kailangan muna nitong unahing linisin ang sarili nitong bakuran laban sa mga pulis na nagsisilbing “padrino at protektor” ng malalaking “drug syndicate”.

Sinabi ni Isabela 6th Dist. Cong. Faustino “Inno” A. Dy V na ang paglilinis mismo sa bakuran ng PNP ang matatawag na epektibong kampanya laban sa “war on drugs” kumpara sa panghuhuli sa mga malaking drug pushers at drug users.

Binigyang diin ni Dy na kung talagang seseryosohin lamang ng liderato ng PNP ang kanilang kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot ay maaari na nitong simulan sa kanilang sariling bakuran.

Ipinaliwanag ng Isabela solon na isang “open secret” at hindi maikakailang may ilang tiwaling miyembro ng PNP ang nagbibigay ng proteksiyon o nagsisilbing “padrino” ng mga malakaking drug syndicate. Kung kaya’t nagmimistulang “laban o bawi” ang kampanya ng gobyerno laban sa ipinagbabawal na gamot.

“The PNP needs a good house keeping before it can effectively wage a good drug war and be successful in the campaign,” ayon kay Dy.

Idinagdag pa ni Dy na ang “purging” o paglilinis sa loob at hanay ng PNP ay magbibigay ng magandang mensahe sa publiko na walang sisinuhin ang PNP leadership laban sa mga kabaro nito na walang habas na sumisira sa imahe ng mga kapulisan.

Sinabi pa ni Dy na ang panawagan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos para sa courtesy resignation ng mga matataas na opisyal ng PNP ay isang mabisang paraan upang tuluyang malinis ang liderato nito laban sa mga tinatawag na “bad eggs” sa hanay nito.

“The call for courtesy resignation is a recognition that there is an urgent need to clean the hierarchy of the PNP. It can be likened to an optional retirement subject to approval of the President as he is the apppointing aaurhority,” sabi pa ng mambabatas.