Ortega1 House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V

Paglilitis kay Duterte sa ICC wag politikahin, Budolterte itigil na — DML Ortega

23 Views

KINONDENA ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union ang mga kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ginagawang political circus ang paglilitis ng International Criminal Court (ICC) at gumagamit ng “budolterte tactic” upang lituhin ang publiko.

“Tama na ang budolterte o pambubudol sa tao. Hindi ito eleksyon, hindi ito propaganda war at mas lalong hindi ito fake news. Huwag gawing drama ang isang seryosong paglilitis,” sabi ni Ortega.

Binigyang-diin ni Ortega na ang ICC ay nakatuon sa mga legal at aktuwal na usapin, at wala umanong lugar sa lehitimong paglilitis na ito ang mga political theatrics ng kampo ni Duterte, partikular na si dating Executive Secretary Salvador Medialdea.

“Hindi pupuwede ang mga theatrics ni Medialdea sa ICC. The judge saw right through his statements. It even made him look amateurish when he tried to invoke political persecution instead of addressing the charges directly,” sabi ni Ortega.

Ayon pa sa mambabatas, lalo lamang tumibay ang akusasyon na mas inuuna ng kampo ni Duterte ang pagpapa-awa sa publiko kaysa sagutin ang mga lehitimong alegasyon sa kasong kinakaharap nito sa ICC.

“Kung may malakas silang depensa, dapat doon sila mag-focus. Pero ang nangyari, pinilit nilang gawing pulitikal ang paglilitis, at halatang hindi ito umubra sa ICC,” dagdag niya.

Binalaan din ni Ortega na habang patuloy na inililihis ng mga kaalyado ni Duterte ang usapin mula sa mga paratang ng crimes against humanity, lalo lamang nilang ipinapakita ang kakulangan ng kanilang tunay na legal na depensa.

“No amount of political grandstanding can erase the fact that thousands were killed during the drug war without due process. The ICC is not a political arena—it is a court of law. Let Duterte’s lawyers prove his innocence there, not in press conferences,” aniya.

Pinabulaanan din niya ang pahayag na ang paglilitis sa ICC ay isang pag-atake sa soberanya ng Pilipinas at iginiit na dinala ang kaso sa korte dahil hindi nabigyan ng hustisya ang mga biktima sa ilalim ng administrasyong Duterte.

“Ang tanong dito ay hindi tungkol sa pagiging Pilipino ni Duterte kundi sa kanyang pananagutan sa batas. Kung wala siyang kasalanan, bakit natatakot siyang harapin ang husgado?” ayon kay Ortega.

Hinikayat ng mambabatas ang kampo ni Duterte na itigil na ang panlilinlang sa publiko at makipagtulungan sa proseso ng batas.

“Let the truth come out. If Duterte believes he is innocent, let him prove it in court. Huwag na silang gumawa ng gulo para lang takasan ang kaso,” dagdag pa ni Ortega.