Speaker Faustino

Pagluklok kay Gatchalian bilang bagong SP mainit na tinanggap ng House leadership

Mar Rodriguez Jun 17, 2026
56 Views

Sandro1MAINIT ang naging pagtanggap ng House leadership sa pangunguna nina House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III at House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos para kay bagong Senate President Sherwin Gatchalian.

Bukod sa mainit na pagtanggap, pinapurihan din ng liderato ng Kamara de Representantes kabilang ang mga kaalayado nitong kongresista si Gatchalian kasunod ang pagpapahayag nila ng optimismo na ang pagkakaluklok sa kaniya ay hudyat upang lampasan na ng Senado ang sigalot sa pamumuno at muling mag-pokus sa mga nakabinbíng trabaho.

“Sa ngalan ng Kamara, nais naming batiin si Senate President Gatchalian. Inaasahan namin ang pakikipagtulungan sa kaniya,” pahayag ni Marcos.

Ang pagkakahalal kay Gatchalian, ayon kay Marcos, ay nagbibigay ng pagkakataon sa Senado na mag-move on mula sa ilang linggong internal na tensiyon na naging sanhi ng pagkakaantala ng mga gawain nito.

Optimistiko din ang House Majority Leader na magiging maayos at maganda ang pamamahala ngayon sa Senado dahil kilala umano nito si Gatchalian bilang mahinahon at hindi padaskol-daskol sa pagharap nito sa mga problemang kinakaharap ng bansa malayong malayo umano sa lideratong pinalitan nito.

“Nakatrabaho ko na siya at alam ko kung gaano siya ka-mahinahon. Kaya sa tingin ko, iyan mismo ang kailangan ng kasalukuyang klimang pampulitika, lalo na riyan sa Senado, kahinahunan at ang pangangailangan para sa ating lahat na bumalik na talaga sa pagtatrabaho,” sabi pa ng mambabatas.

Binigyang diin pa ni Marcos na marami pang usapin ang kailangang aksiyunan ng Kongreso sa gitna ng special session na ipinatawag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa kabila ng pagpasa na ng Kamara sa karamihan ng mga prayoridad na panukala ng administrasyon.

Ayon sa kaniya, hinihintay na lamang ng mga miyembro ng Kamara ang ratipikasyon ng ilang ulat ng bicameral conference committee, habang inaasahan namang tatalakayin ng Commission on Appointments ang mga nakabinbíng promosyon at pagtatalaga, kabilang ang sa mga opisyal ng militar.

“Nagpasa kami ng ilang resolusyon, hinihintay namin ang ilang ulat ng bicam para sa ratipikasyon, at siyempre para sa Committee on Appointments na italaga at kumpirmahin ang mga nakabinbíng usapin kaugnay ng Armed Forces of the Philippines,” wika ni Marcos.

Inihayag din ni Marcos na ang naging lamat sa pamumuno ng Senado ay nagpabagal sa kumpirmasyon ng ilang opisyal ng militar na nakatakda sanang ma-promote.

“Sa tingin ko ay nasa 7 o 8 silang mga heneral na dapat ay na-promote na, ngunit dahil sa agawan sa pamumuno sa Senado ay hindi nakumpirma, kaya iyan ang hinihintay natin ngayon,” dagdag pa niya.

To God be the Glory