Martin

Pagpapabuti ng kalagayan ng media workers pasado sa Kamara

183 Views

PINATUNAYAN ng Kamara de Representantes na pinahahalagahan nito ang kapakanan ng mga nagtatrabaho sa media industry.

Sa botong 252-0 at walang abstention, inaprubahan ng Kamara ang House Bill 454 upang maproteksyunan ang mga media workers at matiyak na tama ang pagtrato sa mga ito.

Sinabi ni Speaker Martin G. Romualdez na ang pag-apruba sa panukala ay nagpapatingkad sa pananaw ng Kamara na ang media ay katuwang nito sa pagpapa-unlad ng bansa at nananatiling malaya.

“We regard the Fourth Estate as an essential partner in nation building and in protecting our democracy,” ani Romualdez.

Sa ilalim ng panukala, ang mga media worker ay dapat sumahod ng naaayon sa itinakdang minimum wage ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board o mas mataas pa.

Dapat din umanong bigyan ang mga ito ng overtime at night shift pay gaya ng nakasaad sa Labor Code of the Philippines at mga katulad na batas.

Ayon sa panukala, ang mga media worker ay dapat mayroong Social Security System, Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund at Philippine Health Insurance Corp. Ang pagbabayad ng premium ay sagot ng manggagawa at employer alinsunod sa nakasaad sa ipinatutupad na alituntunin.

Pinabibigyan din ng P500 arawang hazard pay ang mga media worker na sasabak sa mga mapanganib na coverage bukod sa pagbibigay sa mga ito ng safety gear gaya ng bulletproof vest.

Dapat ay mayroon din umanong insurance benefits gaya ng P200,000 o higit pang death benefit, disability benefit na hanggang P200,000 at medical insurance na hanggang P100,000.