Calendar
Pagpapadala ng mga matataas na opisyal ng AFP sa Beijing Military Academy dapat maimbestigahan — Valeriano
NAGPAHAYAG ng labis na pagkabahala si Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano matapos matuklasan ang nakagigimbal na balita na nagpapadala ang gobyerno ng Pilipinas ng mga matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para mag-aral sa Beijing Military Academy.
Nauna rito, maging ang mga senador ay nagitla din matapos nilang mapag-alaman na ilang matataas na opisyal ng AFP ang nakapag-aral at nakapagtapos sa Beijing Military Academy na sinundan pa ng pagpapadala ulit ng panibagong batch ng mga military officers sa China.
Dahil dito, sinabi ni Valeriano na hindi dapat ipagkibit-balikat ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang naturang balita at kinakailangan umanong masusing imbestigahan ng pamahalaan ang isyu kung papaano nakapagpadala ng mga opisyal ng AFP sa China.
Binigyang diin ni Valeriano na gaya ng paninindigan ng mga Senador, ganito rin ang kaniyang paniniwala na kailangan na aniyang mahinto ang pagpapadala ng mga mataas na opisyal ng AFP sa China para sa isang military schooling program kabilang na ang mga Kadete ng Philippine Military Academy (PMA).
Ipinaliwanag ni Valeriano na isang malaking sampal para sa Pilipinas ang ginagawang pangbu-bully ng Chinese military sa mga tropa ng gobyerno sa pinagta-talunang West Philippine Sea (WPS) sapagkat wala magawa ang mga Pilipinong sundalo habang hina-harass sila ng mga sundalong Chinese.
“This is very surprising. This is surely a concrete step towards our military being assimilated to China. We know how strong academic influence the mind and heart of human beings, how can this happen without us knowing? Those participants China’s Military Academy must be debriefed properly. Ou government must find out if this exercise must be halted immediately,” ayon Kay Valeriano.
Iginigiit pa ng kongresista na masyado na umanong bugbog ang Pilipinas sa pangha-harass at bullying ng China. Kaya panahon na upang manindigan ang gobyerno para mahinto na ang ginagawa ng China sa Pilipinas. Sapagkat mistulang hinahayaan lamang ng pamahalaan na gawin ito ng mga Chinese sa mga Pilipino.