bro marianito

Pagpapakumbaba

312 Views

Bubuhos ang pagpapala ng Panginoon kung magpapaubaya tayo sa kalooban ng Diyos. (Luke 5:1-11)

ANG mga anak na marunong sumunod sa utos ng kanilang magulang ay kadalasang pinagpapala sa buhay. Samantalang ang mga suwail na anak naman ay ito yung mga napapariwara.

Ganito ang mensaheng nais iparating sa atin ng Mabuting Balita (Lk. 5:1-11) tungkol sa pagsunod sa kalooban ng Diyos nang walang pag-aalinlangan at pagtutol.

Itinuturo sa atin ng Ebanghelyo na hindi lamang bastante o sapat ang pana-nampalataya kung hindi natin kayang magpaubaya sa kalooban ng Panginoong Diyos.

Ano nga ba ang halaga ng ating pananalig kung mistula tayong mga suwail na anak na sumasalungat sa kagustuhan ng Diyos?

Sa Mabuting Balita, inutusan ng Panginoong Jesus si Pedro na ihulog ang kaniyang lambat para makahuli ng isda.

Nangatwiran si Pedro kay Jesus na magdamag na silang nagtrabaho subalit wala naman silang nahuling isda.

Gayunman, nagpaubaya si Pedro sa kalooban ng Panginoong Jesus at sinunod niya ang sinabi nito. At pagkatapos nilang ihulog ang kanilang lambat, halos hindi nila malaman ang kanilang gagawin sa dami ng isdang nahuli nila.

Gaya ni Pedro, sa oras na isuko natin nang buong-buo ang ating sarili at puso sa kalooban ng Panginoon tulad ng isang mabuting anak, tiyak na bubuhos ang pagpapala ng Diyos. Katulad ng napakaraming isda na nasa loob ng lambat nina Pedro.

Kapag isinuko kasi natin sa Diyos ang ating mga sarili, dito namu-mulat ang ating mga mata na tayo pala ay isang makasalanan.

Hindi kasi natin nakikita ang ating pagiging makasalanan dahil sa kapa-imba-bawan at pride. Ang akala kasi natin, dahil nakakagawa tayo ng kabutihan gaya ng pagsisimba at pagdadasal ay ayos na ito sa Diyos.

Ang hindi natin alam, kailangan pa rin nating sumunod sa kalooban at utos ng Panginoon. Hindi maaaring “half cook” na ang kalahati ay gumagawa ng kabutihan, habang ang kalahati naman ay gumagawa ng mga bagay na labag sa kalooban ng Diyos.

Kaya mababasa pa natin sa kuwento na matapos magpaubaya ni Pedro sa kalooban ni Jesus nang walang pagtutol, doon niya nakita ang kaniyang sarili na isa siyang makasalanan at sinabi niyang “Lumayo Kayo sa akin, Panginoon! Makasalanan po ako!”

Nagpakumbaba si Pedro at inamin ang kaniyang kasalanan matapos magpamalas ng milagro si Jesus. Mistulang ipinaalaala dito ni Jesus na walang maaaring maipagmalaki ang isang tao sa harap ng Diyos.

Mayroon kayang aamin sa atin na katulad ni Pedro na siya ay makasalanan?

Ang sabi ng iba, ang mga kriminal daw ay talagang hindi mo mapapaamin sa kasalanan nila kahit nahuli na sa kanila ang ebidensiya.

Hindi naman tayo mga criminal, subalit mayroong magmamatigas at binibigyang katwiran pa ang kanilang pagkakamali. Ayaw nating magpakumbaba at aminin sa Diyos ang ating mga kasalanan.

Ipinapaalaala sa atin sa Pagbasa ang dalawang bagay na kailangan nating tandaan: Ang pagsuko sa kalooban ng Panginoong Diyos at ang pagpapakumbaba.

Mapagtatanto lamang ng isang tao na siya ay isang makasalanan kung isinuko niya nang buong-buo ang kaniyang puso at isipan sa kalooban ng Panginoong Diyos.

Ipinapa-unawa at ipina-pakita sa atin ng Panginoong Diyos ang ating mga naging pagkakamali sa buhay. Pero mangya-yari lamang ito kung ipauubaya muna natin sa Kaniyang mga kamay ang ating buhay sa pamamagitan ng pagsuko sa kalooban ng Diyos. Amen.