Rep Magsino

Pagpapalakas ng ugnayan ng gobyerno ng PH, US iminungkahi ni Magsino kay PBBM

Mar Rodriguez Jan 23, 2025
19 Views

IMINUMUNGKAHI ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang pagpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at Estados Unidos (US) upang matiyak na mapo-protektahan ang karapatan at kapakanan ng mga Pilipinong nagta-trabaho at naninirahan sa Amerika.

Ang pahayag ni Magsino ay kasunod ng panunungkulan ni US President Donald Trump bilang ika-47 Pangulo kung saan kilala ang administrasyon nito bilang mahigpit sa pagpapatupad ng immigration policies laban sa mga “undocumented” na naninirahan sa Estados Unidos.

Sinabi ni Magsino na ikinababahala nito ang magiging kapalaran ng mga milyon-milyong Pilipinong “undocumented” bunsod ng mahigpit na pagpapatupad ng bagong Trump administration ng immigration policies kung saan inaasahan na napakaraming Pinoy ang made-deport pabalik ng Pilipinas sa oras na magka-higpitan na sa Amerika.

Gayunman, tiniyak ni Magsino na bilang Kinatawan ng OFW Party List. Nakahanda aniya itong tumulong para sa napakaraming Pilipinong migrant workers na made-deport pabalik ng bansa.

“Bilang Kinatawan ng OFW Party List. Tayo ay nananatiling nakahandang tumulong at magsulong ng mga hakbang upang magbigay suporta sa ating mga kababayan sa Amerika. Hinihikayat natin ang Pangulong Marcos, Jr. na mapalakas ang pakikipag-ugnayan ng ating pamahalaan sa US government para tiyakin na ang karapatan at kapakanan ng ating mga kababayan ay mapo-protektahan,” sabi nito.

Ipinahayag din ni Magsino na mahalagang magbigay ang pamahalaan ng konkretong suporta para sa mga Pilipinong TNT sa US kasabay ng pagpapalakas ng ugnayan ng Konsulado at Embahada sa Amerika upang matiyak na magkakaroon ng access sa legal assistance, counseling at impormasyon ang mga Pilipino doon.