NCRPO Source: Regional Information Office NCRPO

Pagpapalaya ng dayuhan sa Ermita raid iimbestigahan

Alfred Dalizon Nov 2, 2024
94 Views

SUMIKLAB ang gulo matapos tumanggi ang Bureau of Immigration (BI) na kumuha ng kustodiya sa 69 na dayuhang inaresto ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa isang umano’y illegal na POGO hub sa Ermita, Maynila, na nasa gusaling pag-aari umano ng isang bilyonaryong negosyanteng Tsino na malapit kay dating Pangulong Rodrigo R. Duterte.

Ang pagpapalaya sa mga nahuling dayuhan ay magiging paksa ng isang imbestigasyon na ipag-uutos ni Executive Secretary Lucas P. Bersamin, na siya ring chairman ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), ayon sa Journal Group.

Noong Martes ng gabi, sinalakay ng PNP-ACG, sa tulong ng National Capital Region Police Office (NCRPO), ang isang gusali sa Adriatico Street, Ermita, Maynila, na naglalaman ng business-residential area. Nasa 75 na dayuhan at 47 Pilipinong manggagawa ang nahuli dahil sa kanilang umano’y sangkot sa multi-milyong online scam at illegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) activities.

Ayon kay Major General Ronnie Francis M. Cariaga, pinuno ng PNP-ACG, ang pagpasok ng mga tauhan ng ahensya ay ginawa sa tulong ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR). Nabatid na patuloy na nag-ooperate ang gusali kahit may closure order na mula noong Nobyembre 2023.

Ang operasyon ay nagresulta sa pagkakaaresto ng halos 1,000 katao, kabilang ang 69 na dayuhang umano’y sangkot sa ilegal na gawain, matapos ang matagal na koordinasyon sa pagitan ng PNP-ACG at ng NCRPO na pinamumunuan ni Maj. Gen. Sidney S. Hernia.

Gayunpaman, sa kabila ng matagumpay na operasyon, naharap sila sa ‘bureaucratic resistance’ at ang presensiya ng mga ‘mataas na koneksyon’ ng mga protektor ng mga ilegal na POGO hub na ipinag-utos na ipasara ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Hulyo.

Ayon sa ulat, ang BI ay tumangging kunin ang mga undocumented na dayuhan, na kinabibilangan ng 35 Tsino, 11 Indones at 10 Malaysians, dahil umano sa ‘malakas na pressure’ mula sa protektor ng naturang gusali sa pamahalaan.

Sa pahayag ng NCRPO, sinabi nilang: “The coordinated efforts of the PNP-ACG, the NCRPO and other dedicated police units have been critical in shedding light on the magnitude of illegal POGO operations within the said building. Their success in carrying out the raid, despite resistance from other government offices, is a testament to their determination to restore order and uphold the rule of law.”

Dagdag pa ng NCRPO, ang operasyon ay hindi human trafficking kaya’t hindi kasali ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), at ang Bureau of Immigration (BI) ay walang responsibilidad sa pagpapalaya ng mga ito dahil ito ay saklaw lamang ng judicial procedures kaugnay sa cybercrime enforcement.

Sinabi rin ng opisyal na ang mga dayuhan ay hindi itinuring na mga naaresto at inaantay pa ang resulta ng digital forensic examinations upang matiyak ang malakas na kaso laban sa mga ito.

Nag-isyu ng Warrant to Search, Seize and Examine Computer Data ang PNP, sa utos ni Gen. Marbil, upang tapusin ang mga POGO activities sa Metro Manila at sa buong bansa na ipinasara na ni Pangulong Marcos Jr.

Inihayag naman ni Maj. Gen. Hernia na natuklasan ng kanilang imbestigasyon na okupado ng mga dayuhan ang buong gusali at pinaniniwalaang nagtatrabaho nang walang kaukulang permit mula sa gobyerno.

Natuklasan din na sangkot ang mga empleyado ng establisyimento sa ‘love scam’ at ‘cryptocurrency investment scam,’ kung saan nagpapanggap ang mga scammer bilang “magandang banyaga” para makakuha ng pera mula sa mga biktima bago tuluyang maglaho.

Ang digital na kagamitan gaya ng desktop at laptop computers, mobile phones, SIM cards, Digital Video Recorder, at Face Attendance Machine na nasamsam sa raid ay susuriin pa ng PNP-ACG upang matukoy ang lawak ng ilegal na online activities ng mga suspek at ang kanilang mga biktima.