Gatchalian

Pagpapatatag ng ECCD Sytem mahalaga para sa matatag na pundasyon ng kabataan

62 Views

IKINAGALAK ni Sen. Sherwin Gatchalian ang pagpasa sa huli at ikatlong pagbasa ng panukalang batas na nagpapaigting ng kalidad ng early childhood care and development (ECCD) services.

Upang makamit ang universal ECCD access sa lahat ng mga batang mas bata sa limang taong gulang, palalawakin ng Early Childhood Care and Development Act (Senate Bill No. 2575) ang National ECCD System sa mga probinsya, lungsod, munisipalidad at barangay.

Sasaklawin ng ECCD System ang kabuuan ng mga programang may kinalaman sa kalusugan, nutrisyon, early childhood education at social services na tutugon sa pangangailangan ng mga batang wala pang limang taong gulang.

Titiyakin din ng ECCD System ang pinakamabuting kalagayan ng mga bata sa kanilang paglaki at development.

Si Gatchalian ang sponsor at may akda ng naturang panukala.

“Mahalagang reporma ang pagpapatatag sa ECCD dahil dito nakasalalay ang pagkakaroon ng matatag na pundasyon ang ating mga kabataan.

Kailangang maabot natin ang bawat batang wala pang limang taong gulang, tugunan ang kanilang mga pangangailangang pangkalusugan at tiyakin ang kanilang kahandaang pumasok sa ating sistema ng edukasyon,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

Sa ilalim ng panukala, magiging mandato sa bawat lungsod at munisipalidad na lumikha ng ECCD Office na sasailalim sa administrative supervision ng alkalde.

Pamumunuan ng tanggapang ito ang pagpapatupad ng mga ECCD programs, kabilang ang pangangasiwa ng mga child development teachers (CDTs) at child development workers (CDWs).

Isinusulong din ng Early Childhood Care and Development Act ang professionalization ng mga CDTs at ang re-skilling at upskilling ng mga kasalukuyang CDWs.

Para sa mga kasalukuyang CDWs, magiging mandato sa kanilang sumailalim sa mga re-skilling at upskilling training programs sa ECCD.

Kailangan din nilang sumailalim sa libreng assessment at certification mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Ang ECCD Council ang magiging responsable pagdating sa mga naturang programa ng upskilling at reskilling.

Patatatagin din ng panukalang batas ang ECCD Council upang matiyak ang pagpapatatag ng pundasyon ng mga kabataang wala pang limang taong gulang.

Ang ECCD Council itatalaga sa ilalim ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Ang mga kalihim ng Department of Education (DepEd) at DILG ang magsisilbing mga Co-Chairperson ng Governing Board ng Council, habang magsisilbi namang Vice-Chairperson ang ECCD Council Executive Director.