MTRCB

Pagpapatatag sa mandato, kakayahan organizational structure ng MTRCB tinalakay ng komite sa Senado

69 Views

TINALAKAY ng Senate Committee on Public Information and Mass Media nitong Miyerkules ang dalawang panukalang batas na nagsusulong ng Movie and Television Review and Classification
Board (MTRCB) Charter para sa modernisasyon nito.

Pinangunahan ni MTRCB Chair at CEO Diorella Maria “Lala” Sotto-Antonio ang Ahensiya sa isang pagdinig nitong Oktubre 21, 2026, sa ilalim ng pangangasiwa ni Senador Robinhood Padilla,
ang chair ng Senate panel.

Sina Senador Vicente Sotto III at Jinggoy Estrada ang naghain sa Senate Bills Nos. (SBN) 445 at 878.

Nagpasalamat ang MTRCB Chair sa komite sa pagtalakay sa mga panukalang sumusuporta sa age-appropriate classification at responsableng panonood.

“Cognizant of developments in the digital realm, we shall always remain responsive to the call of the times as public officials and civil servants who made a vow to serve with integrity, accountability and responsibility,” dagdag ni Sotto.

Inihain ang dalawang batas noong Agosto 2026. Ang SBN 445 ay nais patatagin ang mandato, kakayahan at organizational structure ng MTRCB, habang ang SBN 878 naman ay nais lumikha ng
retained income fund para sa Ahensiya.

Matatandaan na ang MTRCB ay itinaguyod noong 1985 sa bisa ng Presidential Decree (PD) No. 1986. Walang naging pagpapalawig ng mandato o responsibilidad ng Ahensiya mula noon.

Ipinaliwanag ni Sotto na ang polisiya ng MTRCB ay hindi para sa censorship, ngunit para sa responsableng regulation ng industriya ng pelikula at telebisyon.

“Aming nire-reiterate na ang MTRCB ay naniniwala sa regulation, at hindi po prohibition,” sabi niya.

Iminungkahi rin ni Sotto na ang 30 porsiyento ng kita ng Ahensiya ang gawing retained income fund, sa halip ng orihinal na 50 porsiyento sa panukala ni Estrada. Ang retained income fund ay
gagamitin para sa mga gastos ng MTRCB sa unang tatlong buwan ng bawat taon.

“Naniniwala po kami sa prudence and the very good use of funds,” sabi ni Sotto. Dagdag niya,nais ng MTRCB na sundin palagi ang utilization standard na itinakda ng Department of Budget
and Management (DBM).

Binanggit niya ang mga consistent unmodified opinion na iginawad ng Commission on Audit (COA), na nagsasabing makatarungan at tumpak na naipakita ng MTRCB ang kalagayang pampinansiyal, mga resulta ng operasyon, cash flows at iba pang mahahalagang financial information alinsunod sa mga angkop na accounting at auditing standard ng pamahalaan.

May limang panukalang batas na naglalayong palakasin ang mandato, kakayahan at organizational structure ng MTRCB na nakasalang sa House Committee on Public Information.