Ortega1

Pagpapatigil sa impeachment vs VP Sara pagkakait ng pagkakataon sa mga Pinoy para madinig mga ebidensiya

Mar Rodriguez Jul 1, 2026
25 Views

PARA kay House Deputy Speaker at La Union 1st District Rep. Francisco Paolo P. Ortega V, ang anomang pagtatangka para mapatigil at idiskaril ang nakatakdang impeachment trial laban kay Vice President Sara Z. Duterte ay mistulang nagkakait ng pagkakataon sa mga Pilipino upang marinig nila ang mga inilatag na ebidensiya.

Ang pinakamalaking kawalan ng katarungan o injustice, pagbibigay diin ni Ortega, kaugnay sa kasong impeachment laban kay Duterte ay ang hadlangan ang mamamayang Pilipino na marinig nila ang mga ebidensiya sa gaganaping impeachment trial.

“Hayaan nating matapos ang proseso. Hayaan nating marinig ang ebidensya. At pagkatapos noon, hayaan nating ang impeachment court ang magpasya ayon sa batas at sa mga katotohanang ihaharap,” aniya.

Sinabi ng House Deputy Speaker na dapat pahintulutang magpatuloy ang Konstitusyonal na proseso ng walang hadlang at ang publiko hindi lamang ang mga panig sa kaso ay may karapatang malaman ang mga katotohanan.

“Ang pinakamahalaga ngayon ay mailahad ang ebidensya. Bago humusga, pakinggan muna natin ang buong kaso,” pahayag ni Ortega.

“Huwag nating hadlangan ang proseso. Ang ebidensya ay hindi lamang para sa impeachment court kundi para rin sa sambayanang Pilipino,” dagdag oa ng Deputy Speaker.

ipinaliwanag pa ng kongresista na binuo ng Saligang Batas ang proseso ng impeachment tiyak upang matiyak na ang mga akusasyon laban sa mga pinakamataas na opisyal ng bansa ay masusuri sa pamamagitan ng ebidensya at dumaan sa tamang proseso.

“Ang katotohanan ay nasa ebidensya. Ang desisyon ay nasa impeachment court. Hindi dapat mapalitan ng ingay o pulitika ang isang prosesong itinatag mismo ng ating Saligang Batas,” wika pa ng mambabatas.

Binigyang diin nito na ang anumang pagtatangka na patigilin ang mga pagdinig bago mailahad ang ebidensya ay magkakait sa publiko ng transparensya na layunin sanang ibigay ng proseso ng impeachment.

“Kapag hindi naiprisinta ang ebidensya, ang mawawalan ay hindi lamang ang magkabilang panig. Ang tunay na mawawalan ay ang sambayanang Pilipino na may karapatang malaman ang katotohanan,” ani Ortega.

Ayon kay Ortega, handa ang prosecution panel ng Kamara na iharap ang kaso nito sa impeachment court ng Senado at iginagalang ang anumang magiging hatol ng konstitusyonal na tribunal sa huli.