Artes

Pagpapatupad ng single ticketing system sa NCR sisimulan sa Mayo 2

Edd Reyes Apr 14, 2023
207 Views

SISIMULAN na sa Mayo 2 ang pilot testing ng single ticketing system sa National Capital Region (NCR).

Isang memorandum ang nilagdaan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa NCR, at Land Transportation Office para sa pagpapatupad ng bagong sistema na naglalayong gawing mas epektibo ang ipinatutupad na batas trapiko sa rehiyon.

Ang mga lokal na pamahalaan ay kakabit sa Land Transportation Management System (LTMS) ng LTO upang mas madaling malaman kung sino-sino ang mga mayroong huli at kung bayaran na ito.

Sinabi ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes na ang pilot testing ay gagawin sa San Juan, Muntinlupa, Quezon City, Valenzuela, Parañaque, Manila, at Caloocan.

Susunod na umano itong ipatutupad sa iba pang lugar sa NCR.

Ang mga traffic enforcer ng MMDA ay gagamit na ng mga handheld device kung saan ipapasok ang detalye ng hinuli at paglabag na ginawa nito. Ang multa ay maaaring bayaran online.