Calendar
Pagpasa ng Magna Carta of BHWs ipinanawagan ni Sen. Loren
NANAWAGAN si Sen. Loren Legarda para sa pagpasa ng Magna Carta of Barangay Health Workers (BHWs) na naglalayong bigyang pagkilala, proteksyon at benepisyo sa mga BHWs.
“I rise today to sponsor a measure that seeks to give long-overdue recognition, protection and dignity to the individuals who form the most accessible arm of our public health system,” ani Legarda.
“BHWs are the first to knock on doors, the first to identify health risks, the first to guide mothers and children and the first to respond to emergencies in communities where formal health facilities remain distant or limited,” dagdag pa niya.
Inihain ni Legarda ang panukala noong 2009 sa ika-14 na Kongreso at patuloy itong nire-refile sa mga sumunod na Kongreso.
Sa ilalim ng panukala, makatatanggap ang mga volunteer BHW ng minimum na buwanang honorarium na P3,000, transportation at subsistence allowances, hazard pay, insurance coverage, legal assistance at year-end benefits.
Inaatasan din ang pagkakaroon ng plantilla positions at pagtatatag ng National BHW Information System.
Idineklara rin ang Abril 7 bilang Barangay Health Workers Day at inaatasan ang DOH at DILG na magsumite ng taunang accomplishment reports sa Pangulo at sa Kongreso.
Naglalaman din ang panukala ng mga probisyon sa accountability, kabilang ang pagpapataw ng kaukulang parusa sa mga opisyal na mabibigong ipatupad ang mga itinatakda ng batas.
Suportado ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang panukala.
Nauna nang naaprubahan sa Senado ang katulad na panukala ngunit hindi ito natuloy matapos bawiin ng House of Representatives ang transmittal nito.
Binigyang-diin ni Sen. Legarda na mahalagang kilalanin ang mga BHW bilang mahalagang bahagi ng isang matatag at patas na sistemang pangkalusugan.
Muli ring inihain ni Cayetano ang Mahal Ko, Barangay Health Worker Ko Law bilang Senate Bill No. 419 sa ika-19 at ika-20 Kongreso.
Nakasaad dito ang pagkuha sa mga BHW bilang job order, contractual, casual o regular na empleyado, pagtatakda ng DOH ng angkop na BHW-to-population ratio at ang 10-taong Special BHW Assistance Program na popondohan mula sa National Tax Allotment alinsunod sa Mandanas-Garcia ruling.
Co-sponsor din ng panukala si Sen. Joel Villanueva.
Ayon kay Villanueva, layunin ng panukala na tugunan ang umiiral na kalagayan at pormal na kilalanin ang mahalagang papel ng mga BHW.
“These individuals work tirelessly in bridging the gap between urban and rural areas in terms of health service delivery,” dagdag niya.

