Senado

Pagpasa ng Senado sa panukalang pagre-rebisa ng PCG law ikinagalak

Mar Rodriguez Jan 25, 2025
25 Views

Senado SenadoIKINAGALAK ng vice-chairman ng House Committee on Transportation na si Romblon Lone Dist. Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona ang pagkakapasa ng Senado sa panukalang batas kaugnay sa pagre-rebisa ng Philippine Coast Guard law na inaasahan ng kongresista na lalo pang magpapalakas sa puwersa ng PCG.

Sinabi ni Madrona, chairman din ng House Committee on Tourism, na bilang pangunahing advocate sa pagre-rebisa ng PCG law o Charter, ang ginawang pagpasa ng Senado sa third and final reading ng nasabing panukala ay napapanahon.

Ipinaliwanag ni Madrona na inaasahan na mas magiging ganado ngayon ang mga tauhan ng Coast Guard sa pagpapatupad ng kanilang mandato sa pamamagitan ng pagsasagawa ng “search and rescue” operations sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas kabilang na dito ang pangangalaga sa kapaligiran ng pinagtatalunang West Philippine Sea (WPS).

Binigyang diin ng mambabatas na sa panig ng Kamara de Representantes, matagal na nitong isinusulong ang pagre-rebisa sa PCG Charter dahil sa kaniyang paniniwalang napakalaking papel ang ginagampanan ng PCG sa pangangalaga ng teritoryo ng Pilipinas sa karagatan kasama ang environmental protection.

Ayon kay Madrona, nilalayon ng inaprubahang panukalang batas na maikasa ang organizational reforms sa hanay ng PCG kasabay din nito ang pagpapalakas sa kanilang puwersa sa pamamagitan ng modernisasyon upang makasabay ang PCG sa makabagong panahon.

Nauna nang ipinahayag ni Madrona sa isang Plenary debate patungkol sa House Bill No. 10841 o “An Act Strengthening the PCG by introducing Policy and Organizational Reforms” na hindi na trabahong pawardi-wardi ang kasalukuyang tungkulin ng Coast Guard kumpara sa mga nakalipas na panahon.
Bilang vice-chairman ng Committee on Transportation, iginiit ng kongresista na ang kasalukuyang tungkulin at obligasyon ng PCG ay hindi na lamang taga bilang ng mga pasahero o taga-check ng mga barkong overloaded katulad ng nakasanayang pagkakakilala sa Coast Guard sa mga nakalipas na sampung taon.

Sabi pa ni Madrona sa sponsorship speech sa plenaryo na napakahalagang papel ang ginagampanan ng PCG sa pamamagitan ng pagtitiyak nito ng maritime safety, maritime security partikular na ang maritime environmental protection.

To God be the Glory