Crime

Pagpatay sa kagawad ng RIT sa harap ng anak hagip sa CCTV

Jon-jon Reyes Aug 16, 2024
33 Views

KITANG-kita sa CCTV footage ang malagim na pagpatay ng riding-in-tandem (RIT) sa babaeng barangay kagawad sa harap ng kanyang 11-anyos na anak noong Martes sa Brgy. 393, Quiapo, Maynila.

Nakilala ang binaril at pinatay na si Stella Sky Lim, 45, ng Brgy. 383, Quiapo, Maynila.

Wala pang lead ang Manila Police District-Homicide Section sa pagkakakilanlan sa tumakas na RIT matapos ang malagim na pagpatay.

Bandang alas-11:00 ng gabi binaril ang biktima habang naglalakad kasama ang anak na lalaki.

Sa kuha ng CCTV, bigla na lang sumulpot mula sa ‘di kalayuan ang mga suspek at dinikitan ang biktima bago barilin ng dalawang beses.

Na-trauma ang anak ng makita ang ginawang pamamaril sa kanyang ina.

Sa panayam ng asawa at mga kaanak ng biktima, pulitika ang tinitingnan nilang motibo sa pamamaril.

Samantala, lumitaw sa opisina ng Manila Police District (MPD) ang isa isinasangkot sa insidente na dating councilor kassama ang mga kamag-anak upang linawin ang kanyang pagkakasangkot sa pagpatay.

Isinalang na sa inquest sa Prosecutor’s Office ng Manila ang suspek para sa kasong murder.