Bucoy

Pagsagot ni VP Sara hudyat na tuloy-tuloy na pag-usad ng impeachment— Atty Bucoy

23 Views

ANG pagsagot ni Vice President Sara Duterte sa writ of summons na inilabas ng Senate impeachment court ay magtutulak upang magtuloy-tuloy na ang proseso at magsimula na ang paglilitis, ayon kay House prosecution spokesman na si Atty. Antonio Audie Z. Bucoy.

Sa isang press conference, ipinahayag ni Bucoy ang kanyang kumpiyansa na magsisimula na ang trial proper, sa kabila ng paki-usap ni VP Duterte na ibasura ng impeachment court ang mga kaso laban sa kanya dahil nalabag umano ang proseso ng impeachment.

Sinabi ni Bucoy na sa halip na sagutin ang mga paratang sa reklamo, pinili ni Duterte na kuwestyunin ang prosesong sinunod ng Mababang Kapulungan sa pag-impeach sa kanya.

“Ngayon, regardless of the defect nung answer, dahil nga ad cautelam, hindi (niya) kinikilala ang hurisdiksyon ng impeachment court, we welcome this dahil uusad na tayo ngayon. Ang importante, tumuloy tayo sa pre-trial, tumuloy tayo sa trial,” ani Bucoy.

“Kami ngayon, we made allegations of charges based on facts. It is now for us, ngayon ay nasa sa amin na patunayan ito. Kaya kami ay kumpiyansa na dapat na matutuloy na ito,” dagdag pa niya.

Iginiit ng tagapagsalita ng prosekusyon na ang sagot ng Bise Presidente sa subpoena mula sa impeachment court ay dapat magtuloy na sa pre-trial at pagkatapos ay sa trial proper.

Binatikos din niya ang opisyal na na-impeach dahil sa pagpiling kuwestyunin ang proseso ng reklamo sa halip na tugunan ang nilalaman nito.

“Matutuloy para sa prosecution dahil sumagot siya, matutuloy ang trial. Yung kanyang sagot wala siyang factual nor legal grounds ukol doon sa mga factual allegations ng impeachment complaint,” ani Bucoy.

“It was all procedural… mas pinapalitaw na mas importante ang procedure kesa constitutional law and principles, substance. Ang importante is the substance. Those who cannot address the substance, they rely on technical procedures which is what she did here,” dagdag niya.

Sinabi rin niya na ang paggamit ng teknikalidad sa isyu ay kanila ng inaasahan.

“Yan ho ay expected move. Kung hindi mo kayang sagutin yung factual allegations, you resort to procedure. Idadivert mo, ililihis mo yung usapin, yan ho ang nangyari dito. Inilihis ang usapin sa factual allegations of the complaint,” aniya.

“Inilihis using procedural issues. Hindi ito yung bloodbath na inaasahan namin. Pero nonetheless, itutuloy namin ang paglalahad ng ebidensya sapagkat mahalaga na malaman ng sambayanan kung ano yung sakdal,” giit niya.

Binigyang-diin pa niya na ang desisyon ng Bise Presidente na tumutok sa teknikal na isyu sa halip na sagutin ang mga paratang ay isang kahinaan sa kanyang panig.

“Matutuloy ang trial because meron nang sagot. Kung ang sagot nya ay ganyan lang yan ay kanyang kakulangan. Hindi papel ng prosecution na punuan ang kanyang kakulangan,” ani Bucoy.

Sinabi rin niyang dapat nang magpatuloy ang impeachment proceedings patungo sa pre-trial stage, at pagkatapos ay sa mismong paglilitis.

“We are at the stage, nasa stage na tayong nakasagot na. So ngayon dapat mag-pre-trial na. Bakit pre-trial? Kasi sa dami ng ebidensya namin, kinakailangan pre-marking to, markahan. Mahirap po mag-mamarka habang nagta-trial. Aksaya po ng panahon ‘yan. Kaya ang gusto namin magka-pre-trial,” paliwanag niya.

“Pag matapos ‘yung pre-trial, diretso na sa trial. Hihingi na kami ng trial dates. Hihingi kami sa impeachment court na mag-set ng trial dates para talagang sumulong na ito. Yun ang aasahan natin,” dagdag pa niya.