Martin

Pagsasabatas ng libreng college entrance exam pinuri ni Speaker Romualdez

Mar Rodriguez Jun 28, 2024
111 Views

PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagsasabatas para hindi na magbayad ng entrance examination fee ang mga kuwalipikadong mag-aaral na nais na pumasok sa pribadong kolehiyo.

Ang panukala ay niratipika ng Kamara de Representantes at Senado noong Mayo at naging isang batas makalipas ang 30-araw matapos na walang maging aksyon laban dito ang Pangulo.

Layunin ng batas na mabigyan ng oportunidad ang mga kuwalipikadong mag-aaral na mayroong pinansyal na limitasyon para makakuha ng pagsusulit sa mga pribadong kolehiyo.

“This law is a crucial step in our efforts to provide equal educational opportunities for all Filipinos, regardless of their financial situation,” ayon kay Speaker Romualdez, pinuno ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan.

“By waiving entrance exam fees, we are removing a significant hurdle that prevents many talented and deserving students from pursuing their dreams of higher education,” dagdag pa ng mambabatas.

Sa pamamagitan ng isang liham ay ipinarating ni Executive Secretary Lucas Bersamin kay Speaker Romyaldez na naging batas na ang panukala at naging Republic Act No. 12006 noong ika-14 ng Hunyo.

Sa ilalim ng Konstitusyon, si Pangulong Ferdinand Marcos R. Jr. ay may 30-araw para lagdaan o i-veto ang isang panukalang batas na niratipika ng Kongreso. Kung walang naging pagkilos ang Pangulo, ang panukala ay magiging ganap na batas makaraan ang 30-araw.

Kinilala ni Speaker Romualdez ang mas malawak na implikasyon ng batas na mapa-angat ang isang komunidad na makatulong sa pagpapa-unlad ng bansa.

“Education is the key to unlocking our nation’s potential. When we invest in our youth, we invest in the future of our country. This law will help ensure that more students have the chance to succeed, thereby contributing to the growth and progress of the Philippines,” ani Speaker Romualdez.

Ang bagong batas ay nag-uutos sa lahat ng pribadong mataas na institusyong pang-edukasyon na ilibre ang pagkuha ng entrance examination ng mga estudyanteng nagpapakita ng malaking potensyal sa akademiko ngunit walang pambayad ng examination feee.

Inaasahan na libu-libong mga mag-aaral sa bansa ang mabibigyan ng pagkakataon na makakuha ng libreng pagsusulit.

Dahil ang batas ay agad na ipatutupad, ang mga educational institution ay inaatasang sumunod sa sinasaad ng batas, tiyaking lahat ng kuwalipikadong mag-aaaral ay mayroong pagkakataong na makapag-aplay para sa admission ng walang bayad.

Kumpiyansa rin ang pinuno ng Kamara na ang bagong batas ay magiging daan para sa mas inklusibo at patas na sistema ng edukasyon sa Pilipinas.

“The passage of this law reflects our commitment to making education accessible to all. It is our hope that this will inspire more students to strive for academic excellence, knowing that their financial background will not be a barrier to their aspirations,” ayon pa kay Speaker Romualdez.