Pagsasapribado ng pangunahing assets ng gobyerno bilang pagkukunan ng Maharlika iminungkahi

200 Views

SINABI ni Senador Sherwin Gatchalian na ang pagsasapribado ng mga pangunahing assets ng gobyerno ay isang mas lohikal na mapagkukunan ng Maharlika Investment Fund (MIF) dahil mapoprotektahan nito ang mga pangunahing financial institutions laban sa anumang potential risk.

“Hindi kontrobersyal at mas lohikal ang pagsasapribado ng government assets dahil ang mga ibinebenta ngayon ay maaaring pakinabangan ng mga susunod na henerasyon sa pamamagitan ng pamumuhunan sa imprastraktura at iba pang mga bagay. Mainam na pag-aralan natin ito nang husto,” ani Gatchalian sa nagdaang public hearing ng Senado sa panukalang paglikha ng MIF.

Ang mga pahayag ni Gatchalian ay kasunod ng isa pang komento ni Bankers Association of the Philippines President Antonio Moncupa, Jr. na ang pagbuo ng kapital ng MIF mula sa mga ahensya na nag-aambag sa kaban ng gobyerno -tulad ng Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines, at Bangko Sentral ng Pilipinas– ay maaaring magdulot ng mga problema. Maaaring magresulta ito aniya sa mas malawak na budget deficit o maaaring mabawasan ang social services na maaaring makahadlang sa paglago ng ekonomiya ng bansa sa hinaharap.

Napag-alaman ni Gatchalian sa naturang pagdinig na ang tatlong nangungunang asset na gustong isapribado ng gobyerno ay maaaring magbunga ng hanggang P130 bilyon na kapital para sa MIF. Ang mga asset na ito ay ang mining rights ng gobyerno na tinatayang nasa P100 bilyon, isang land parcel sa Food Terminal Inc. (FTI) sa Taguig na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P22 bilyon, at ang Mile Long property ng gobyerno sa Makati na tinatayang nasa P8 bilyon.

“Ang kikitain sa pagbebenta ng mga asset na ito ay aabot na sa P130 bilyon, higit pa sa sapat. Doble iyon sa inisyal na kapital,” sabi ni Gatchalian, nang malaman na ang tatlong asset ng gobyerno na nabanggit ay tinatayang maisasapribado sa loob ng tatlong taon.

“Magkakaroon na ng sense of urgency kapag privatization ang pagmumulan ng pondo para sa MIF. Maaari pang paikliin ang tatlong taong pagpapatupad ng privatization ng mga government assets. Dahil kung merong matinding dahilan, halimbawa kung ang malilikom na pera mula sa privatization ay ilalagak sa Maharlika Fund, mas mapapabilis pa ang privatization,” punto ni Gatchalian.

Idinagdag niya na ang taunang kita mula sa pribatisasyon ng mga ari-arian ng gobyerno ay maaaring maging regular na mapagkukunan ng karagdagang kapital para sa MIF. Ang gobyerno ay nakalikom mula sa privatization ng P657 milyon noong 2016, P832 milyon noong 2017, P15.656 bilyon noong 2018, P881 milyon noong 2019, P474 milyon sa 2020, at P320 milyon noong 2021.///ps jun m. sarmiento