bro marianito

Pagsisisi nasa gawa di salita

438 Views

Patunyan natin sa gawa at hindi sa salita ang pagsisisi natin sa ating mga kasalanan (MATEO 3:1-12)

“Patunayan muna ninyo sa inyong mga buhay na kayo’y talagang nagsisisi na”. (MATEO 3:8)

MAAARING pamilyar kayo sa katagang “madaling sabihin. Ngunit mahirap gawin’. Ang ibig ipakahulugan nito ay napakadaling sabihin ng ating bibig. Subalit napakahirap naman patunayan ng ating mga kilos at gawa.

Ganito ang naging pahayag ni Juan Bautista sa mga Pariseo at mga Saduseo sa Mabuting Balita (Mateo 3:1-12) nang wikain niya sa mga taong ito na patunayan nila sa pamamagitan ng gawa o ng kanilang buhay na talagang nagsisisi na sila sa kanilang mga kasalanan.

Napakadaling sabihin na mula ngayon ay sisimulan ko ng magbagong buhay. Ititigil ko na ang pagdo-droga, paglalasing, pangloloko ng kapwa, pambababae, pagsusugal at kung ano-ano pang mga kasalanan.

Ngunit ang mga salitang ito ay mananatiling isang payak na salita lamang kung hindi natin ito sasamahan ng gawa. Ito’y sa pamamagitan ng pagsisisi sa ating mga kasalanan at pagbabalik loob sa Panginoong Diyos.

Ang salitang bibitiwan natin ay kinakailangang hindi nanggagaling sa bibig lamang kundi sa ating mga puso. Dapat ay may sinseridad ang ating mga salita at taos sa ating puso ang ating pagsisisi at pagbabalik loob sa Diyos.

Katulad ng mababasa natin sa Ebanghelyo. Tinangkang lumapit ng mga Pariseo at Saduseo kay Juan Bautista sa pag-aakalang maliligtas na sila kapag sila’y bininyagan sa tubig. (Mateo 3:7)

Inakala nila na kapag nabinyagan na sila ni Bautista ay maliligtas na sila. Ang akala nila ay hindi na sila mapupunta sa apoy ng impiyerno. Ganoon lang bang kadali iyon?

Ang akala ba natin na kapag nagsimba na tayo. Nagdasal tayo ng kaunti ay maliligtas na tayo, hindi na tayo parurusahan ng Diyos. Burado narin ang ating napakaraming kasalanan dahil sa mahabang panalangin natin?

Ganoon ba kadali ang pagsisisi ng hindi natin ipinapakita sa pamamagitan ng ating buhay na totoong nagsisisi na tayo? Ang totoo at tunay nagsisisi sa kaniyang kasalanan at nagbalik loob na sa Panginoon ay yung taong hindi na talaga gagawa kahit “napakaliit na kasalanan”.

Kahit magbabad tayo sa loob ng Simbahan. Kung sa paglabas natin ay patuloy parin tayong gumagawa ng kasalanan. Hindi parin tayo maliligtas. Sapagkat hindi naman tayo maliligtas dahil maghapon tayo sa loob ng Simbahan. Maliligtas lamang tayo kung tinalukuran na natin na natin ng tuluyan ang paggawa ng masama o ng kasalanan.

Kahit pa siguro ipaligo mo pa ang “Holy Water” sa buong katawan mo kung hindi naman bukal sa puso mo ang pagsisisi at pagbabalik loob sa Panginoong Diyos. Kung gusto mo ipang-sepilyo mo pa. Hindi ka parin maliligtas gaya ng binabanggit ni Juan Bautista sa Ebanghelyo.

Kaya ang hamon ni San Juan sa mga Pariseo at Saduseo. “Patunayan muna ninyo sa inyong mga buhay na kayo’y talagang nagsisisi na”. (Mateo 3:8)

Hinahamon din tayo ni San Juan na bilang mga Katoliko at Kristiyano. Kailangang patunayan din natin sa pamamagitan ng ating pamumuhay na totoo tayong nananampalataya kay Jesus. Ang tanong ay papaano?

Maging larawan nawa tayo ni Kristo sa mga batang lansangan sa pamamagitan ng pagbigay sa kanila ng makakain, kaunting barya at masuuot. Makita nawa sa atin ng mga taong mahihirap ang larawan ni Jesus sa pamamagitan ng mga ayudang ipamamamahagi natin sa kanila.

Ngayong panahon ng Kapaskuhan at Adbiyento. Ito ang tamang pagkakataon upang ipakita ang makatotohanang pagsisisi at pagbabalik loob sa Diyos. Hindi lamang sa salita kundi ipakikita natin ito sa pamamagitan ng gawa.

Ang panahon ng Adbiyento at maging Christmas season ay ang panahon para pagnilayan natin ang ating mga kasalanan. Tanungin natin ang ating mga sarili. Sa loob ng 2022, gaano ba karami ang ginawa kong kasalanan at gaano karami naman ang ginawa kong kabutihan.

Ang Kapaskuhan ay hindi lamang panahon ng kasayahan. Ito rin ang panahon para paghandaan ang pagdating Mesiyas si Hesus. Sa pamamagitan ng paglilinis ng ating mga sarili. Ang buhay natin at ang ating budhi.

AMEN