Calendar

Pagsugpo ng gutom solusyon sa child stunting, illiteracy — Sen. Win
NANAWAGAN si Senador Sherwin Gatchalian ng isang mas pinagbuklod at pambansang pagkilos upang tugunan ang dalawang magkaugnay na suliranin sa bansa: ang pagkaantala sa paglaki ng mga bata (child stunting) at ang kawalan ng kakayahang bumasa’t sumulat (illiteracy).
Sa pagbanggit sa pinakahuling datos mula sa mga survey at mga ulat pambatas, binigyang-diin ng senador na “nutrition and literacy are closely correlated”—na ang pagresolba sa isa ay nangangailangan din ng pagtutok sa isa pa.
Sa ginanap na pagdinig sa Senado kaugnay ng 2024 Functional Literacy, Education and Mass Media Survey (FLEMMS), inilahad ni Gatchalian na tinatayang nasa 18.96 milyong Pilipino ang nananatiling functionally illiterate.
Kaakibat nito, binanggit niya ang ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), kung saan isa sa bawat apat na batang Pilipino na wala pang limang taong gulang ang nakararanas ng stunting.
“Magkaugnay ang nutrisyon at illiteracy,” iginiit ng senador. “Isa sa mga paraan para masugpo ang illiteracy sa ating bansa ay tiyaking natatanggap ng mga bata ang sapat na nutrisyon.”
Bilang tugon, hinimok ni Gatchalian ang Department of Education (DepEd), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at National Nutrition Council (NNC) na magpatupad ng sabayang hakbangin—nutrisyon at maagang pagtuturo ng pagbasa—upang mas epektibong masugpo ang problemang ito.
Muling iminungkahi ng senador ang paglikha ng mga Local Literacy Council sa mga pamahalaang lokal upang palakasin ang mga programang nakatuon sa pagbasa at pagsusulat sa antas-komunidad.
Batay sa ulat ng EDCOM 2 Year Two Report, lumalabas na 25% lamang ng mga batang Pilipino ang tumatanggap ng sapat na enerhiya sa kanilang unang 1,000 araw—isang yugto na kritikal sa pag-unlad ng utak at pisikal na katawan.
Nagbabala rin ang ulat na karamihan sa mga mag-aaral sa Grade 3 ay isa hanggang dalawang taon ang atrasado sa antas ng inaasahang kaalaman. Dagdag pa rito, tinatayang karamihan sa mga mag-aaral sa Grade 3 ay nasa antas lamang ng Grade 1 sa pagbasa at matematika, batay sa paparating na pag-aaral ng UNICEF.
Bagama’t may umiiral nang mga batas tulad ng Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act, nananatili pa rin ang mataas na insidente ng stunting. Kaugnay nito, isinusulong ni Gatchalian ang Senate Bill No. 2575 na naglalayong palawakin ang serbisyong pang-alaga sa mga bata sa bawat lungsod at bayan sa pamamagitan ng pinalakas na National Early Childhood Care and Development (ECCD) System.
Ipinunto rin ng senador ang kahalagahan ng ganap na pagpapatupad ng ARAL Program Act (Republic Act No. 12028), isang programa para sa pagbawi ng mga natutunang nawala sa mga mag-aaral dahil sa pandemya ng COVID-19.
“All of these findings point to a clear and singular message,” ani Gatchalian. “We must act to fix the foundations of our education system. It is imperative that as we face an avalanche of concerns, we sift through the list and prioritize those that are foundational for our students.”
Ang kanyang mga pahayag ay nagbibigay-diin sa pangangailangang simulan ang reporma sa edukasyon sa pinakaugat—ang kalusugan at nutrisyon ng bata. Sa huli, bago pa matuto ang isang bata sa loob ng silid-aralan, kailangang tiyakin munang siya ay busog, malusog, at handang matuto.