Calendar

Pagsunod kay Speaker Romualdez paggalang sa kanyang pamumuno — Chairman Khonghun
BINIGYANG diin ni House Special Committee on Bases Conversion Chairman at Assistant Majority Leader Jay Khonghun na ang pagkakaisa at kasipagan ng Kamara de Representantes ay bunga ng pagrespeto kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at hindi bulag na pagsunod.
Ginawa ni Khonghun ang pahayag bilang tugon sa mga sinabi ni Senate President Chiz Escudero na tila sunod-sunuran lamang ang mga kongresista sa kung ano ang gusto ni Speaker Romualdez, at walang sariling pagpapasya ang mga ito.
Para kay Khonghun, hindi patas ang ganitong pananaw at hindi nito kinikilala ang estilo ng pamumuno ni Speaker Romualdez, na nakabatay sa pagkakasundo at hindi sa pagkontrol.
“Walang sunod-sunuran dito sa Kamara. We work together kasi may tiwala kami sa isa’t isa, at naniniwala kami sa leadership ni Speaker. Hindi niya tayo pinipilit, hinahayaan niya kaming magdesisyon base sa sarili naming prinsipyo at pananaw,” ayon kay Khonghun.
Ayon sa mambabatas, ang estilo ng pamumuno ni Speaker Romualdez ay nagbubukas ng malayang talakayan at respeto sa pagitan ng mga mambabatas.
“Kaya hindi natin maunawaan at matanggap ang statements ni SP Chiz. Sa mga tunay na nakakakilala kay Speaker Romualdez, alam na hindi siya imposing o bossy. Marunong siyang makinig, at binibigyan niya ng opportunity ang lahat ng miyembro na magsalita at magpaliwanag,” paliwanag ni Khonghun.
Binanggit ng mambabatas, ang mga resulta ay malinaw na patunay, lalo’t halos lahat ng mga pangunahing panukalang batas sa ilalim ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) at Common Legislative Agenda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay naipasa na ng Kamara.
“Kung sunod-sunuran lang kami, wala siguro kaming ganitong klaseng output. Pero dahil may maayos na direction at solid na teamwork, nagagawa namin ‘yung trabaho,” saad ni Khonghun.
Iginiit din ng mambabatas na ang pagkakaisa sa Kamara ay hindi nangangahulugang pare-pareho ang iniisip ng bawat isa, kundi iisa ang layunin — ang makapaglingkod sa bayan.
Binigyang-diin niya na bawat miyembro ay bumoboto ayon sa kanilang konsensya at pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.
“Ako, may sarili akong paninindigan. Pero kung alam kong makakatulong sa Zambales at sa buong Pilipinas, syempre susuportahan ko. Hindi dahil iniutos, dahil tama lang talaga,” giit ni Khonghun.
Dagdag pa ni Khonghun, si Speaker Romualdez ay laging nakikipag-usap sa mga miyembro ng Kamara at marunong rumespeto sa mga mambabatas na iba ang opinyon.
“Tingnan na lang natin ‘yung resulta. Hindi kami perfect, pero grabe ‘yung sipag at trabaho ng mga kasama ko. At kung may unity man sa Kamara, it’s because we all want the same thing, which is makatulong sa mga Pilipino.”