Calendar
Pagtataas ng pinapayagang gastos ng mga kandidato pasado na sa Kamara
INAPRUBAHAN ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na itaas ang halaga ng pinapayagang gastos ng mga kandidato sa nasyunal at lokal na halalan.
Aamyendahan ng House Bill (HB) No. 8370 ang Section 13 ng Republic Act (RA) No. 7166 o ang “An Act providing for synchronized national and local elections and for other electoral reforms, authorizing appropriations therefor, and for other purposes.”
Nakakuha ito ng 268 pabor na boto, tatlong tutol at isang abstention.
Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang P3 hanggang P10 gastos ng kandidato sa bawat rehistradong botante sa ilalim ng kasalukuyang batas ay hindi na angkop.
“This cap was set almost 32 years ago, in November 1991 when the law was enacted. Factoring in annual inflation, a candidate’s P3 or P10 three decades ago may amount to nothing today. Thus, the need to adjust the expense limit,” ani Speaker Romualdez, lider ng 312 miyembro ng Kamara.
Ilan sa pangunahing may-akda ng panukala ay sina Reps. Yedda Marie K. Romualdez, Jude Acidre, Marlyn Primicias-Agabas, Olga Kho, Loedy Tarriela, Augustina Dominique Pancho, Maximo Dalog, Francisco Jose Matugas II, Ma. Rene Ann Lourdes Matibag, Drixie Mae Cardema, at Manuel Jose Dalipe.
Ayon kay Speaker Romualdez ang pagtataas ng maaaring gastusin ng mga kandidato ay magbibigay daan upang mas makilala ng publiko ang mga nais na mamuno sa gobyerno.
“In that sense, the bill would widen the opportunity for the electorate to scrutinize the aspirants and to eventually choose the best, the brightest and the most qualified. The proposed law would enhance the exercise of the freedom of suffrage and strengthen democracy,” sabi ni Speaker Romualdez.
Naniniwala ang lider ng Kamara na sa pamamagitan ng panukala ay magdedeklara ng totoo sa Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidato kaugnay ng kanilang ginastos sa kampanya.
“The present unrealistic limits may force aspirants and political groups to submit untruthful reports,” sabi pa nito.
Ang pagtaas ng expense cap ay lilikha rin umano ng dagdag na economic activity na makatutulong sa pag-unlad ng bansa.
Ang HB No. 8370 ay binuo mula sa anim na panukala kasama ang HB 2702 na akda nina Reps. Yedda Marie Romualdez at Acidre ng Tingog party-list.
Sa ilalim ng HB 8370, ang mga kandidato sa pagkapangulo ay pinapayagan na gumastos ng hanggang P50 kada botante, P40 naman ang mga tumatakbo sa pagkabise presidente at P30 sa mga kandidato sa pagka-senador, district representative, governor, vice governor, board member, mayor, vice mayor, councilor, at party-list representative.
Sa kasalukuyan ang cap ay nakatakda sa P10 sa mga tumatakbo sa pagkapangulo at bise presidente at P3 sa iba pang kandidato.
Ang limitasyon sa mga independent candidate ay nanatili naman sa P5 bawat kandidato.
Sa mga partido politikal, ang limitasyon ay itataas sa P30 mula sa P5 kada botante.
Pinapayagan din ng panukala ang Comelec na itaas ang campaign expenses limit batay sa konsultasyon nito sa Bangko Sentral ng Pilipinas, National Economic and Development Authority at Philippine Statistics Authority.