Martin

Pagtatatag ng PENCAS, lusot na sa ikatlong pagbasa ng Kamara

237 Views

INAPRUBAHAN ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill (HB) No. 8443 na nilalayong magtatag ng Philippine Ecosystem and Natural Capital Accounting System (PENCAS upang matukoy ang dami ng natural capital ng bansa at ang halaga nito sa ating ekonomiya.

Sa botong 215-0-0, pinagtibay ng Kapulungan ang panukala na oras na maisabatas ay maglalatag ng sistema para sa pagsasagawa ng accounting ng natural capital ng bansa na gagamiting gabay sa pagpaplano ng mga programa at babalangkasing polisiya.

Magsisilbi rin itong komprehensibong pagkukunan ng datos patungkol sa natural capital statistics at pagsasama bilang bahagi ng macroeconomic indicator.

“We acknowledge that solid data is crucial in preserving and developing our natural capital and with this proposed legislation, we hope to provide tools and measures that can contribute to the protection, conservation, and restoration of ecosystems,” saad ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

“This bill also intends to provide a framework in the generation of natural capital statistics and accounts toward their progressive integration in macroeconomic indicators that is why the Philippine Statistics Authority (PSA), the Interagency Committee on Environment and Natural Resources Statistics (IACENRS), the Department of Environment and Natural Resources (DENR), and the National Economic and Development Authority (NEDA) shall work hand-in-hand in the implementation of the measure,” dagdag ng Leyte 1st district solon.

Kabilang sa mga may-akda ng panukala sina Reps. Elpidio “Pidi” Barzaga, Jr., Manuel Jose “Mannix” Dalipe, Francisco Benitez, Antonio Legarda, Jr., LRay Villafuerte, Miguel Luis Villafuerte, Tsuyoshi Anthony Horibata, Brian Yamsuan, Eduardo “Bro. Eddie” Villanueva, Jurdin Jesus Romualdo, Celso Regencia, at Adrian Michael Amatong.

Sa ilalim ng HB No. 8443, ang PSA ang aatasan para sa pagtatatag at implimentasyon ng PENCAS salig sa System of Environmental-Economic Accounting (SEEA) framework.

Ang naturang framework ay mula sa pinagsamang economic at environmental data na nagpapakita sa komprehensibong ugnayan sa pagitan ng ekonomiya, kapaligiran at ecosystem kasama ang stocks at pagbabago sa natural assets kasabay ng pagbibigay benepisyo sa taumbayan.

Nakapaloob naman sa Section 9 ng panukala ang mekanismo kung paano makikibahagi ang publiko sa pamamagitan ng access sa impormasyon at pagbibigay karapatan na iatas ang pagtupad o pagsunod sa mga mandatong nakasaad sa panukala gayundin ay pagpaliwanagin ang alinmang ahensya ng gobyerno na binalewala ang PENCAS data sa mga pagbuo ng polisiya o desisyong ginawa.

Anumang proyekto ng national government, national government agencies, government-owned and -controlled corporations, LGUs, at pribadong sektor na may kinalaman sa PENCAS ay kailangan munang aprubahan ng NEDA.