Hataman

Pagtatatag ng tertiary education sa Basilan para sa kursong agriculture at fisheries iminungkahi

Mar Rodriguez Feb 8, 2023
203 Views

NAKIKITA ng isang Muslim congressman na ang pagsasaka at pangingisda ang itinuturing na “main source” ng kabuhayan sa Basilan. Kaya isinulong nito ang isang panukalang batas na naglalayong magtatag ng isang “tertiary education” sa kanilang lalawigan para magturo ng agriculture at fisheries sa mga mag-aaral ng Basilan.

Sinabi ni House Deputy Minority Leader at Basilan Lone Dist. Cong. Mujiv Hataman na dahil unti-unti ng nakakabangon ang kanilang lalawigan mula sa dating masamang imahe nito bunsod ng mga giyera at terorismo. Tututukan nila ngayon ang larangan ng agrikultura at pangingisda.

Dahil dito, ipinaliwanag ni Hataman na ang agriculture at fisheries ang nagsisilbing pangunahing kabuhayan o main livelihood ng mga Basileno. Kaya dapat lamang aniya na mas lalo pa itong pag-ibayuhin sa pamamagitan ng pagtuturo nito sa mga estudyante sa kanilang lalawigan.

Ayon kay Hataman, isinulong niya ang House Bill No. 7085 sa Kamara de Representantes upang magtatag ng isang kolehiyo sa Basilan na ang forte o espesyalista sa agriculture at fisheries na makakatulong ng malaki para mga mamamayan ng Basilan.

“Yamang lupa at yamang dagat ang isa sa pinaka-madaling pagyamanin na kabuhayan dito sa aming lalawigan. Kaya marapat lamang na ito ang pagtuunan ng pansin o focus at makatulong sa pag-angat n gaming lalawigan. Agriculture and fisheries are two main sources of livelihood for Basilenos,” ayon kay Hataman.

Nakapaloob sa panukalang batas ni Hataman na ang mga kursong iaalok ng itatatag na “State College” sa Basilan ay hindi lamang tututok sa larangan ng agriculture at fisheries. Bagkos, tututukan din nito ang iba pang mga kurso para magkaroon ng maraming opsiyon ang mga mag-aaral.