Calendar
Pagtatayo ng gusali ng Comelec ipinagtanggol
IPINAGTANGGOL ni Commission on Elections (Comelec) chairperson Erwin Garcia ang pagnanais ng kanyang ahensya na makapagpatayo ng sarili nitong gusali.
Ayon kay Garcia ang pagtatayo ng siyam na palapag na gusali ay magreresulta sa pagliit ng gastos ng Comelec at magsasama-sama ng mga pasilidad nito na nakakalat sa iba’t ibang warehouse.
Umuupa ang Comelec ng puwesto sa iba’t ibang gusali matapos na masunog ang ilang palapag ng Palacio del Gobernador sa Intramuros.
Sinabi ni Garcia na bukod sa kakasya ang mga gamit ng Comelec ay maglalagay na rin ng mga dormitoryo para sa mga tauhan ng Comelec na kakailanganing lumuwas sa Kamaynilaan.
Ang gusali na itatayo sa Pasay ay malapit din umano sa paliparan at pantalan.
Ipinunto ni Garcia na kinakailangan ng Comelec na umupa sa PICC kapag panahon ng paghahain ng certificate of candidacy at ng ilang function hall sa mga hotel para sa pagsasagawa ng manual audit.
Sa ipatatayo umanong gusali ay mayroon ng mga auditorium kung saan maaaring gawin ang mga aktibidad na ito.
Aabot umano sa P8.2 bilyon ang kakailanganing pondo para sa gusali na nais ipatayo ng Comelec.
Dahil kailangan umano ng gobyerno na tugunan ang iba pang problema ng bansa, sinabi ni Garcia na sa halip na tatlong taon ay ginawa ng Comelec na limang taon ang pagtatayo nito upang mas maliit ang kailangang ilaan na pondo taon-taon.