Acidre Tingog Party-list Reps. Jude Acidre at Andrew Julian Romualdez

Pagtatayo ng Philippine Centers for Disease Prevention and Control muling itinulak ni Rep. Romualdez

326 Views

Acidre1INIHAIN ni Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez nitong Lunes ang panukala na naglalayong itayo ang Philippine Centers for Disease Prevention and Control (CDC), na magsisilbing pangunahing ahensya na tututok sa mga inisyatiba para sa pag-iwas at makontrol ang pagkalat ng nakahahawang sakit.

Kasama ni Rep. Romualdez bilang may-akda ng House Bill (HB) No. 3 sina Tingog Party-list Reps. Jude Acidre at Andrew Julian Romualdez.

Sa panukala ay binigyang-diin ng tatlong mambabatas ang isang probisyon sa Konstitusyon na nag-aatas sa estado na “protect and promote the right to health of every Filipino and instill health consciousness among them.”

“The State recognizes its duty to give utmost priority to public health measures, particularly with the continuing emergence and reemergence of infectious diseases that pose significant threats to nations worldwide,” anila.

Sinabi nilang ipinakita ng Covid-19 pandemic ang mahalagang papel ng epektibong mekanismo sa pag-iwas at pagkontrol sa sakit at ng matatag na imprastrukturang pangkalusugan.

“The pandemic revealed the deficiencies in the Philippines’ health system, particularly in the areas of disease surveillance, outbreak response, coordination, and data-driven policy-making,” anila.

Dagdag nila, upang maging handa ang bansa sa mga banta sa kalusugan sa hinaharap, “it is imperative to institutionalize reforms that will strengthen our capacity to protect public health.”

Tinukoy din nila na sa kasalukuyan ay walang itinalagang ahensiya na nakatuon lamang sa pag-iwas at pagkontrol sa sakit.

Ipinaliwanag nilang bagama’t ginagampanan ng Department of Health (DOH) ang tungkuling ito sa pamamagitan ng iba’t ibang bureaus at opisina, madalas ay magkakahiwalay, kulang sa pondo, at hinahadlangan ng mga institusyonal na limitasyon ang mga pagsisikap nito.

“The establishment of a specialized institution will allow for more coherent, responsive, and science-based approaches to disease management,” diin ni Rep. Martin Romualdez.

Sa ilalim ng panukala, ang Philippine CDC ang mangunguna sa pagpigil ng pagkalat ng mga nakahahawang sakit sa pamamagitan ng paggamit ng balangkas na magsusulong ng whole-of-government at whole-of-system approach at pagpapabilis ng science-based decision-making, lalo na sa panahon ng public health emergencies.

“Investing in disease prevention and control is both a public health and an economic necessity. Institutionalizing this agency will not only enhance the country’s preparedness for future pandemics, but will also strengthen its capacity to address ongoing health challenges such as tuberculosis, human immunodeficiency virus, dengue and non-communicable diseases,” ani ng mga may-akda.

“Moreover, a centralized body will enable faster response times, more efficient resource utilization, and improved health outcomes for the Filipino people,” dagdag pa nila.

Kabilang sa mga tungkulin ng CDC ang:

– Pagbuo ng mga stratehiya, pamantayan at polisiya para sa pag-iwas at pagkontrol ng sakit;

– Magsagawa ng disease surveillance at field epidemiology activities;

– Magsagawa ng data collection at analytics;

– Magtatag at palakasin ang mga public health laboratories;

– Magtakda ng pamantayan at polisiya para sa mga pribadong laboratoryo;

– Magrekomenda ng mga hakbang kaugnay sa mga banta sa pampublikong kalusugan sa mga naaangkop na ahensya ng pamahalaan;

– Pamunuan ang public health at risk communications;

– Magsagawa at mangasiwa ng health research at evidence synthesis;

– Magtayo ng kakayahan sa mga lokalidad para sa surveillance at health research;

– Itaguyod ang scientific integrity sa pamamagitan ng pagtitiyak na lahat ng produkto nito ay teknikal na tama, maka-agham at etikal, at kapaki-pakinabang sa pamahalaan at sa target nitong populasyon sa pamamagitan ng mga institusyonalisadong mekanismo at katawan.

Ang CDC ay direktang nasa ilalim ng opisina ng kalihim ng DOH.

Nakapaloob dito ang Center for Health Statistics, Center for Epidemiology and Surveillance, Center for Health Evidence, at Center for Health Laboratories.

Magkakaroon din ito ng tatlong opisina: para sa health economics; policy and planning; at administration, finance and legal affairs.

Pangungunahan ito ng isang director general na may ranggong undersecretary, na tutulungan ng mga deputy director general na may ranggong assistant secretary. Sila ay itatalaga ng Pangulo.

Ang mga kaugnay na ahensya ay ililipat sa CDC, at ang paunang pondo nito ay sa kanila manggagaling. Ang mga susunod na pondo ay isasama sa taunang pambansang badyet.