Vargas

Pagte-training sa TESDA ng mga dating adik suportado ni Vargas

Mar Rodriguez Feb 3, 2026
130 Views

SUPORTADO ni House Deputy Majority Leader at Quezon City 5th District Representative Patrick Michael “PM” D. Vargas ang inilatag na panukala sa Kamara de Representantes para mabigyan ng training sa TESDA ang mga dating adik.

Sinabi ng House Deputy Majority Leader na isang napakagandang hakbang ang panukalang nag-aatas sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na magkaroon ng training at livelihood program ang mga dating lulong sa droga.

Ikinatuwiran ni Vargas na ang programang ito ang nagbibigay ng pangalawang pagkakataon para sa mga dating drug addict na makabalik sa normal na pamumuhay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kabuhayan at pagkakakitaan.

Pagbibigay diin ni Vargas na ito ang pagkakataon para maituwid ng mga dating drug dependent ang mga nagawa nilang pagkakamali sa buhay kabilang na ang mga kabataang napariwara ang buhay dahil sa pagkalulong sa illegal na droga.

Inaprubahan ng House Committee on Higher and Technical Education ang House Bill No. 4699 na inakda nina dating House Speaker at kasalukuyang Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez at TINGOG Party List Rep. Jude A. Acidre.

Sabi ng dating House Speaker na layunin ng kanilang panukalang batas na magkaroon ng integration track para mas maging mabilis ang pagbabalik sa lipunan ng mga drug adik kasama na ang mga dating drug pushers sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng mga bagong skills pagbibigay ng insentibo sa mga kompanyang nagbigay sa kanilang ng trabaho.

“We are encouraging hope in this House Bill authored by the former Speaker and make recovery real for families when TESDA training is matched with actual job opportunities and incentives for companies, people who did the hard work for rehabilitation can finally move forward with more hope for a better future,” sabi ni Acidre.