Pagtrabaho mula sa bahay para sa empleyado ng Kauswagan hiniling

Jon-jon Reyes Feb 21, 2025
18 Views

APEKTADO na ang kaayusan ng operasyon at kaligtasan ng mga empleyado at mga kliyente ng munisipyo ng Kauswagan sa Lanao del Norte sa pagkasira ng CCTV cameras at pagputol sa kable ng internet at nagmistula na rin itong ‘apartelle’ ng ilang armadong sibilyan at pulis.

Sa liham na ipinadala ni Christian Merch B. Tomo, Admin Officer IV ng Kauswagan local government, kay Civil Service Commission (CSC) Field Office Director II Alona Carumba, ay hiniling niya ang kagyat na pagpayag para sa “work-from-home arrangements” ng mga kawani o relokasyon ng operasyon ng mga tanggapan sa mas ligtas na lugar.

Pangunahing apektado ng pangyayari ang Enhanced Tax Revenue and Collection System (ETRACS), isang web-based system na ginagamit ng mga lokal na pamahalaan upang mangolekta ng buwis gaya ng real property tax, business permits gayundin para sa administration at taxpayer registration.

Ang kahilingan ni Tomo kay Carumba ay bunsod ng pinakahuling insidenteng nangyari noong Pebrero 14, 2025 nang putulin umano ang koneksyon ng CCTV cameras at internet wires patungo sa mga opisina ng Treasury, Accounting, at Assessor sa munisipyo.

Ang pagkagambalang ito ay lubhang nakaapekto aniya sa kanilang kakayahan na magampanan nang epektibo ang mga opisyal na tungkulin at responsibilidad.

Paliwanag niya, ang kawalan ng mga kritikal na serbisyong ito—gaya ng internet at mga surveillance system—ay hindi lamang nagdulot ng malalaking pagkaantala sa pagpapatakbo ngunit nagbunga rin ng malaking panganib sa seguridad at kaligtasan sa kanilang mga empleyado.

“This disruption has severely impacted our ability to carry out our official duties and responsibilities effectively. The absence of these critical services—such as the internet and surveillance systems—has not only caused significant operational delays but also posed a considerable security and safety risk to our employees,” sabi ni Tomo.

Dahil sa “urgency” aniya ng usaping ito, hinihiling niya ang ipagsasaalang-alang ni Carumba sa pagbibigay “work-from-home arrangements” para sa mga apektadong empleyado, gayundin ang posibilidad na ilipat ang mga operasyon ng opisina sa isang mas ligtas na kapaligiran hanggang sa malutas ang sitwasyon.

“In light of the urgency of this matter, we respectfully request your consideration of granting work-from-home arrangements for the affected employees, as well as the possibility of relocating office operations to a safer environment until the situation is resolved,” wika ni Tomo.

“We would greatly appreciate your prompt attention to this pressing concern and any support you can provide to help us resolve the situation swiftly.”