Calendar
Pagturo ng ligtas na gamit ng internet, socmed sa paaralan isinusulong
BUNGA ng pagiging mas teknolohikal ang mga bata, naghain si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ng panukalang batas na layong bigyan ng kaalaman at kasanayan ang mga mag-aaral sa elementarya at high school upang maging ligtas at responsable sa paggamit ng internet at social media.
Naghain si Estrada ng Senate Bill No. 2934 na nagmumungkahi na isama sa kurikulum ang edukasyon sa kaligtasan sa internet upang maunawaan ng mga mag-aaral ang tamang paggamit nito at maprotektahan sila laban sa mga panganib online.
“The Internet Safety Protection Act is a proactive approach to ensure that Filipino children are informed and resilient in the digital age. By integrating this into the school curriculum, we aim to create a safer online environment and protect the next generation from the ever-evolving threats of the virtual world,” ani Estrada.
Habang ang Republic Act No. 11930, o ang “Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act,” ay naglatag na ng matibay na legal na framework laban sa mga krimen na may kaugnayan sa internet, sinabi ni Estrada na ang kanyang panukalang batas ay magsisilbing mekanismong preventive at magpapalakas ng kakayahan ng mga bata na protektahan ang kanilang sarili laban sa mga panganib online.
Ang panukalang programa para sa edukasyon sa internet ay tututok sa ligtas na paggamit at pagpapataas ng kamalayan sa mga panganib ng paggamit ng social media apps, text messaging, instant messaging, websites, blogs, emails, at mga mobile device.
Bukod dito, bibigyang-diin din ang kahalagahan ng edukasyon tungkol sa proteksyon sa privacy, pagkilala sa pekeng balita, pag-iwas sa cyberbullying, at pagtukoy sa mga online predator.
Ayon pa sa beteranong mambabatas, mahalaga ring ituro ang responsableng paggamit ng internet at ang pagpapanatili ng balanse sa pagitan ng online at totoong buhay na interaksyon.
Ang Department of Education (DepEd) ang mangunguna sa pagbuo, pagde-develop, at pagpapatupad ng Internet Safety Education Program, na maglalaman ng mga educational technology, multimedia applications, at lesson plans.
Kasama rin dito ang pagsasanay para sa mga guro at kawani, pagbuo ng mga programa sa pag-iwas sa panganib online para sa mga bata, pagsuporta sa mga inisyatibang pinangungunahan ng kabataan, at pananaliksik ukol sa mga panganib online.
Dagdag pa rito, inaatasan ang DepEd na maglunsad ng mga kampanya sa pampublikong edukasyon, magbigay ng kaalaman sa mga magulang ukol sa ligtas na paggamit ng internet, at makipag-ugnayan sa Department of Information and Communication Technology at iba pang ahensya para sa mga mapagkukunan at gabay.