Pagtuturo ng agrikultura sa elementary at high school ipinakula ng isang kongresista

Mar Rodriguez Jul 31, 2022
236 Views

IMINUMUNGKAHI ng isang neophyte congressman na maisama sa “curriculum” ng Elementary at High-School” ang pagtuturo ng “urban agriculture, agricultural entrepreneurship, at agricultural economy” at iba pang mga paksang may kinalaman sa agrikultura.

Ipinaliwanag ni Tarlac 1 st Dist. Rep. Mark D. Cojuangco na binanggit ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) noong nakaraang linggo na kailangan aniyang mag-breed o magsanay ng mga bagong magsasaka na may kaalaman sa “modern agricultural technology”.

Sinabi ni Cojuangco na sasanayin at hahasain ang mga bagong magsasaka sa tinatawag na “scientific farming” sa layuning makapagpa-usbong sila ng marami at saganang ani.

Ikinatuwiran ng Tarlac solon na hindi kakatwa at imposible ang kaniyang ipinapanukala sapagkat may ilang magsasaka naman talaga ang nag-aral at nagpaka-dalubhasa sa larangan ng agrikultura.

Binanggit ni Cojuangco na ang ilan sa mga magsasaka ay nag-aral at nagpaka- dalubhasa sa mga kilalang “agricultural institutions” tulad ng International Rice Research Institute (IRRI).

Sinabi pa ng kongresista na inaplay ng mga magsasakang ito ang kanilang natutunan sa IRRI kani-kanilang lugar kung kaya’t naging maunlad ang agrikultura sa kanilang mga bansa.

Sa ilalim ng House Bill No. 2072, na inihain ni Cojuangco, bingyang diin nito ang mahalagang papel na ginagampanan ng agrikultura sa ekonomiya ng Pilipinas kung kaya’t dapat itong seryosohin sa pamamagitan ng pagtuturo nito sa mga paaralan.