Martin

Pahayag ni Speaker Romualdez na kastiguhin mga di makikipagtulungan sa imbestigasyon ng hoaring ng sibuyas kinatigan

Mar Rodriguez Mar 8, 2023
152 Views

KINATIGAN nitong Miyerkules ng isang beteranong kongresista ang naging pahayag ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na hindi umano magda-dalawang isip ang Kamara de Representantes na ipa-aresto ang sinomang indibiduwal na hindi makikipagtulungan sa ginagawa nitong imbestigasyon kaugnay sa manipulasyon at hoarding sa presyo ng sibuyas at bawang.

Nagpahayag ng suporta si Romblon Lone Dist. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, Chairman ng House Committee on Tourism, sa naging desisyon nina Speaker Romualdez kabilang na ang House Committee on Agriculture and Food nan a patawan ng contempt ang mga opisyales ng AGRO Trading.

Ito ay kaugnay sa pagapapatuloy ng imbestigasyon ng Komite sa kontrobersiyal na price manipulation at hoarding sa presyo ng sibuyas at bawang. Kung saan, nabigong dumalo sa pagdinig ang tinaguriang “Sibuyas Queen” na si Leah Cruz dahil kailangan umano nitong humarap sa Sandiganbayan.

Binigyang diin ni Madrona na kailangang magpakita aniya ng “ngipin” ang liderato ng Kongreso laban sa sinomang indibiduwal o personalidad na binabalewala ang ginagawang imbestigasyon hinggil sa mga mahahalagang issues tulad sa kaso ng sibuyas at bawang na nagpapahirap sa taongbayan.

Sinabi ni Madrona na kailangang maipa-intindi sa mga taong inaanyayahang dumalo sa mga isinasagawang imbestigasyon ng Kamara na hindi magpapatumpik-tumpik ang Mababang Kapulungan na kastiguhin ang sinomang indibiduwal o personalidad na magma-matigas o magpa-pasaway

Sang-ayon ang mambabatas na ideretso sa kulungan o detention center ang mga taong hindi makikipag-tulungan sa Kongreso upang magsilbing babala din sa iba na hindi nila dapat balewalain ang isinagawang pagsisiyasat ng anomang Komite sa Mababang Kapulungan.