Gatchalian Sen. Sherwin Gatchalian

Paigtingin ang proteksyon ng menor de edad sa human trafficking

24 Views

“Safeguard our children and strongly impose anti-trafficking laws.”

Ito ang naging pahayag ni Senador Sherwin Gatchalian matapos mailigtas ang 11 menor de edad mula sa umano’y operasyon ng sex trafficking sa Lungsod ng Parañaque.

Sa kanyang pahayag, tinukoy ni Gatchalian ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 na nag-amyenda sa orihinal na batas noong 2003.

Ang binagong batas ay naglalaman ng mas pinaigting na mga probisyon laban sa online sexual exploitation, pinalawak na kapangyarihan sa imbestigasyon para sa mga awtoridad, at pinatatag na mga mekanismo para sa suporta ng mga biktima at proteksyon ng mga saksi.

Sa kabila ng mga pagbabagong ito sa batas, patuloy pa ring naitatala ang mga kaso ng human trafficking na kinasasangkutan ng mga menor de edad.

Iginiit ni Gatchalian na kailangang manatiling masigasig at suportado ang mga hakbang ng pagpapatupad ng batas upang labanan ang trafficking operations.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng prevention through education, sa pagsasabing dapat maipabatid sa mga bata at komunidad ang mga panganib ng trafficking at kung paano ito mapipigilan o matutugunan.

Batay sa pinakahuling datos mula sa mga ahensya ng pagpapatupad ng batas at internasyonal na monitoring bodies, nananatiling apektado ang Pilipinas ng mga krimen kaugnay ng trafficking, kabilang ang online at cross-border exploitation.

Noong 2023, inilagay ang bansa sa Tier 1 ng US State Department’s Trafficking in Persons (TIP) Report, na kumikilala sa mga pamahalaang tumutupad sa minimum standards sa pag-aalis ng trafficking.

Gayunman, tinukoy din ng ulat ang ilang aspetong dapat bigyang-pansin, gaya ng mga serbisyo para sa mga biktima at ang pagiging consistent ng mga pag-uusig.

Kasama sa pahayag ni Gatchalian ang babala sa mga salarin, na hahabulin sila ng mga awtoridad upang panagutin sila sa batas.

Bagaman hindi pa nagbibigay ng detalyadong impormasyon ang mga awtoridad tungkol sa mga suspek o sa partikular na mga pangyayari sa operasyon sa Parañaque, patuloy ang imbestigasyon at iginiit ng senador na dapat lamang maging mapagbantay lalo’t mga bata ang binibiktima ng mga ito.