bro marianito

Pakinggan ang boses ng Panginoon

427 Views

Tanging ang boses lamang ng Panginoong HesuKristo ang dapat nating pakinggan (Juan 10:27-30)

“Nakikinig sa akin ang aking mga tupa. Nakikilala ko sila at sumusunod sila sa akin”. (Juan 10:27)

NAPAKAINGAY ng mundong ginagalawanan natin. Kaya minsan ay hindi na natin alam kung sino ang ating pakikinggan, may kaniya-kaniya tayong paniniwala, may kaniya-kaniya tayong paliwanag tungkol sa ating pananampalataya.

Kaya naman hindi na nakakapagtaka, sa halip na maging maliwanag ay lalo pang nagiging malabo dahil sa magkakasalungat at magkakaibang paniniwala at pananampalataya.

Lalo lamang tayong nalilito dahil hindi na natin mawari kung kanino ba talagang boses ang dapat nating pakinggan. Hindi na natin malaman tuloy kung sino ba ang nagsasabi ng tama at kung sino naman ang nagsasabi ng mali.

Kaya may ilan sa atin ang mas lalong nahuhulog sa pagkakasala sa halip na makaiwas o maka-ahon mula dito. Dahil sa maling boses na kanilang pinakikinggan.

Huli na ng malaman nila na ang tinig o boses na pinakinggan pala nila ang magpapahamak sa kanila at sisira ng kanilang buhay. May mga kabataan ang nalulong sa masamang bisyo bunsod ng pambubuyo ng kaniyang mga kabarkada.

Ilang kababaihan na ba ang maagang nagdalantao at nasira ang kinabukasan dahil sa matamis na salita ng kanilang nobyo? Subalit pagkatapos pala nito ay bigla na lamang silang iiwan na parang isang ginamit na basahan.

Minsan, sa dami ng boses at tinig na pinakikinggan natin parang nakakalito na at hindi mo na tuloy malaman kung ano ang tama at mali. Sapagkat minsan ang mga boses na naririnig natin ay mapanlinlang at magdadala sa atin sa kapahamakan.

Sa ating Mabuting Balita (Juan 10:27-30) ipinapaalaala sa atin ang pinakamahalagang boses na dapat nating pakinggan. Ito ay ang boses mismo ni Hesus. Katulad ng isang mabuting Pastol na pinakikinggan ng kaniyang mga tupa.

Winika ni Hesus sa Ebanghelyo na nakikilala ng mga tupa ang kaniyang boses at sumusunod ang mga ito sa kaniyang sinasabi. At binibigyan niya ng buhay na walang hanggan ang mga nakikinig sa kaniya. (Juan 10:28)

Nangangahulugan lamang na nagtitiwala ang mga tupa sa kaniyang boses. Hindi nila pinakikinggan ang ibang boses kundi ang kay Kristo lamang. Isang pagpapatunay na pinagkakatiwalaan ng mga tupa si Hesus na isang mabuting Pastol.

Inaanyayahan tayo ng Ebanghelyo na pakinggan din natin ang tinig ng Panginoong Hesus katulad ng mga tupang sumusunod sa kaniya upang huwag tayong mapariwara at maligaw.

Kung sa ibang boses tayo makikinig at hindi ang tinig mismo ng Panginoong Hesus ang ating susundin. Hindi tayo maliligtas at magtatamo ng buhay na walang hanggan.

Minsan, kailangan din natin suriing mabuti kung tama ba ang boses na ating pinakikinggan? Sapagkat baka masamang Pastol ang ating pinakikinggan kaya tayo nahulog sa kapahamakan na magpapahamak lang pala sa atin.

Magandang pagnilayan natin na si HesuKristo ang mabuting Pastol na nakahandang gumabay sa atin at magtatanggol sa atin sa harap ng mga pambubuyo ng kasalanan.

Hindi natin makakamit ang ating kaligtasan kung hindi ang boses ng mabuting Pastol ang ating pakikinggan. Kapag boses ng kasalanan, galit, pagkamuhi, inggit at kasakiman ang ating sinunod at pinakinggan. Marahil ay alam na natin kung saan tayo mapupunta pagdating ng Araw ng Paghuhukom.

AMEN