Morente

Pakistani arestado dahil ‘overstaying’

Jun I Legaspi Feb 12, 2022
607 Views

INARESTO noong Biyernes ng mga operatiba ng BUREAU of Immigration (BI) ang isang Pakistani dahil sa pagpapatakbo ng tindahan nang walang kaukulang visa.

Sa ulat na isinumite kay BI Commissioner Jaime Morente, kinilala ni BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan, Jr. ang Pakistani na si Nasir Khan, na naaresto noong ika-25 na kaarawan nito matapos malaman na nag-ooperate ito ng surplus shop sa Brgy. Apopong, General Santos City habang may tourist visa lamang.

Ang pag-aresto, na ipinatupad nina BI Regional Intelligence Operations Unit XII head Andre Joseph Fournier at Mindanao Intelligence Task Group Head Melody Penelope Gonzales, sa koordinasyon ng Police Station 2 ng General Santos City Police Office, ay alinsunod sa mission order na inilabas ni Morente .

Inihayag ng mga rekord na si Khan ay may working visa hanggang Hunyo noong nakaraang taon, ngunit mula noon ay nanatili sa bansa sa ilalim ng tourist visa.

“Ang mga dayuhan ay hindi pinapayagan na magsagawa ng mga komersyal na aktibidad nang walang tamang visa,” sabi ni Morente. “Ito ay itinuturing na isang paglabag sa Philippine Immigration Act of 1940, at ito ay batayan para sa deportasyon at blacklisting,” dagdag niya.

Mananatili si Khan sa warden facility ng BI sa Bicutan, Taguig habang hinihintay ang kanyang deportasyon.