Pakistani Source: Bureau of Immigration

Pakistani timbog ng BI dahil overstaying, walang dokumento

Jun I Legaspi Apr 2, 2025
19 Views

NAARESTO ng Bureau of Immigration (BI) Intelligence Division ang isang Pakistani national umano overstaying at walang kaukulang dokumento sa Makati City.

Kinilala ang suspek na si Khasta Rahman, 42, na nahuli sa isang convenience store sa Antonio Arnaiz Avenue, Barangay San Lorenzo noong Marso 27.

Ayon sa BI, hindi nito naipakita ang kanyang pasaporte at napatunayang lampas na sa itinakdang panahon ng pananatili sa bansa.

Ayon kay Fortunato Manahan, Jr., hepe ng BI Intelligence Division, bahagi ang operasyong ito ng patuloy na kampanya laban sa mga dayuhang lumalabag sa batas ng imigrasyon.

“Patuloy tayong magbabantay at magpapatupad ng mga hakbang upang mahuli ang mga dayuhang umaabuso sa kanilang pananatili sa bansa. Mahigpit kaming nakikipagtulungan sa iba pang ahensya ng gobyerno upang matiyak ang agarang aksyon,” ani Manahan.

Matapos ang pagkakaaresto, isinailalim si Rahman sa proseso ng dokumentasyon, medikal na pagsusuri, at legal na paglilitis sa BI Main Office. Inisyuhan siya ng commitment order at inilagay sa BI Warden Facility noong gabing iyon.

Samantala, muling iginiit ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang kahalagahan ng pagsunod sa batas ng imigrasyon. “Hindi natin papayagan ang mga paglabag sa ating batas. Ang sinumang dayuhang hindi susunod sa legal na proseso ng kanilang pananatili sa Pilipinas ay haharap sa deportasyon,” pahayag ni Viado.

Ayon pa sa BI, si Rahman ay nakatakdang ipa-deport at ilalagay sa blacklist upang hindi na makabalik sa bansa. Ang operasyon ay isinagawa matapos makatanggap ng intelligence report mula sa isang anonymous na complainant.