Isko

Pakiusap ni Yorme Isko sa BIR: Utang ng Maynila repasuhin

Edd Reyes Jul 12, 2025
356 Views

Isko1NAGTUNGO ng personal si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa tanggapan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) upang makiusap na repasuhin ang pagkakautang ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila.

Buong pagpapakumbabang nakiusap ang alkalde kay BIR Commissioner Romeo “Jun” Lumagui, Jr. na kung maaari ay repasuhin ang pagkakautang ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila dahil sa unang impormasyon na nakarating sa alkalde ay aabot sa P300 milyon ang kanilang pagkakautang.

Gayunman, ayon sa ulat ng Commission on Audit (COA) umabot na sa P491.1 milyon ang unremitted taxes ng lungsod sa BIR samantalang ang kawanihan naman ay nagsabing mas malaki pa sa halagang ito ang kabuuang utang ng City Hall.

Tiniyak naman ng alkalde na sa ilalim ng kanyang administrasyon, hindi niya kailanman tatalikuran ang anumang obligasyon na minana niya sa nakaraang administrasyon bagama’t humihingi siya ng palugit na panahon upang maibangon ang kalagayang pinansiyal ng lungsod.

Nauna rito’y nagbigay-pugay sa tanggapan ng alkalde ang pamunuan ng Development Bank of the Philippines (DBP) sa pangunguna ng kanilang Pangulo at Chief Executive Officer Michael De Jesus araw din ng Biyernes.

Ipinaabot ni Mayor Isko Moreno sa mga opisyal ang naghihingalong kalagayan ng pananalapi ng lungsod, bagama’t tiniyak niya na sa kabila ng maraming pagsubok at hamon na kanyang kinakaharap ay mananatili silang matatag

Nangako si Yorme Isko na tuloy-tuloy ang kanilang pangako sa transparency, sa usaping pinansiyal man o sa mga proyekto tulad ng paglilinis at pagsasaayos ng ng lansangan sa Kamaynilaan.

Magugunita na inaprobahan ng DBP ang P10-billion loan ng lungsod na ginamit sa mga proyektong pang-imprastraktura gaya ng pabahay, ospital, at iba pa.