Martin2 4PH SA NUEVA ECIJA – Sa kanyang mensahe sa pagbisita Lunes ng umaga sa Palayan City Township Facility sa Brgy. Atate, Palayan City, Nueva Ecija, inihayag ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang suporta ng Kamara de Representantes sa pagpasa ng mga batas at paglalaan ng pondo sa patuloy na implementasyon ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program, isa sa mga legacy project ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Kuha ni VER NOVENO

Palayan City Housing Project ni PBBM ‘Nagtayo tayo ng pag-asa’ — Speaker Romualdez

26 Views

MartinMartin1Martin3BUMALIK si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa Palayan City Township Housing Project makalipas ang mahigit dalawang taon mula ng dumalo sa groundbreaking ceremony ng proyekto kasama si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., upang silipin ang natapos na mga pasilidad ng komunidad.

Kasama si Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Rizalino Acuzar, inikot ni Speaker Romualdez ang proyekto na mayroong mga amenities tulad ng clubhouse, swimming pool, basketball at tennis courts, central park at iba pang recreational spaces.

Wala pa ang mga ito noong una nilang bisitahin ni Pangulong Marcos noong 2022.

Inilarawan ng lider ng Kamara na mayroong 306 mambabatas ang proyekto bilang simbolo ng tunay at pangmatagalang pagbabago sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program, isa sa mga legacy project ng administrasyong Marcos.

“Ang sarap pong makabalik dito. Naalala ko pa, noong 2022, kasama po namin si Pangulong Bongbong Marcos nang ilunsad natin ang Palayan City Township. Kasama rin natin noon sina Secretary Acuzar at siyempre si Mayor (Viandre Nicole) Cuevas. Doon po natin ibinaon ang time capsule, bilang tanda ng bagong simula—isang pangakong bibigyang-buhay ang pangarap ng bawat Pilipino na magkaroon ng sariling bahay,” pagalala ni Romualdez.

“Ngayon po, halos dalawang taon matapos ‘yon, napakaganda pong makita ang pagbabago dito sa Palayan,” dagdag pa niya.

Inikot din ni Speaker Romualdez ang mga unit ng benepisyaryo at ang mga gusaling kasalukuyang itinatayo sa Palayan City Township, na isa sa pinakamalaking proyekto ng 4PH sa ngayon.

Sa 24 mid-rise buildings na bahagi ng unang yugto, walo ang kasalukuyang itinatayo. Dalawang gusali na may kabuuang 538 unit ay nasa proseso na ng takeout sa Pag-IBIG Fund, at panibagong 538 units naman ang inaasahang maipagkakaloob na sa mga benepisyaryo pagsapit ng Hunyo 2026.

May ilang pamilya na rin ang lumipat at pinapaganda ang kanilang mga tahanan sa tulong ng lokal na pamahalaan at DHSUD.

“Isa pa pong nakakatuwang balita: kompleto na po ang lahat ng amenities! May clubhouse, swimming pool, basketball court, tennis court at central park. Dati, noong bumisita si Pangulo, wala pa po ito. Pero ngayon, andito na lahat—maayos, maganda at libre,” sabi ni Romualdez.

“At ang mas maganda pa rito, wala pong ginastos ang gobyerno. Lahat ng amenities ay donasyon ng BellaVita Land Corporation, isang kumpanya sa ilalim ng Ayala Group. Kaya saludo po tayo sa kanila. Iyan ang tunay na bayanihan—ang pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor para sa kabutihan ng mga tao,” dagdag pa niya.

Binuksan muli ng Pamahalaang Lungsod ng Palayan ang aplikasyon para sa pabahay, upang mabigyan ng pagkakataon ang mas maraming residente ng Nueva Ecija—lalo na ang mga mababang-kita, informal settlers at lokal na empleyado—na makabenepisyo sa 4PH program.

Ayon sa House Speaker, bahagi lamang ang Palayan project ng mas malawak na layunin na tugunan ang kakulangan sa pabahay, na ayon sa DHSUD ay tinatayang nasa 6.5 hanggang 7 milyong unit.

“Pero hindi lang ito tungkol sa Palayan. Ayon sa datos ng DHSUD, may halos pitong milyong housing backlog pa tayo sa buong bansa. Kaya’t mahalaga ang 4PH Program ng gobyerno—isang ambisyosong plano na magtayo ng anim na milyong bahay sa loob ng anim na taon,” aniya.

Pinuri niya ang pamumuno ni Pangulong Marcos Jr. at ang 4PH Program na aniya’y nagdudulot ng tunay at pangmatagalang pagbabago sa buhay.

“Sa ilalim ni Pangulong Marcos, ang pangarap na bahay ay hindi na lang usapan—ito’y susi na ngayon sa kamay ng bawat pamilyang Pilipino,” dagdag pa ng House Speaker.

Nangako rin si Romualdez ng patuloy na suporta ng House of Representatives sa pagpasa ng mga batas at paglalaan ng pondo upang mapanatili ang momentum ng 4PH.

“As Speaker of the House, I assure you: the legislative branch stands firmly behind this mission. We will continue to pass the laws, secure the budgets and push the reforms needed to give every Filipino a fighting chance at a decent life,” sabi niya.

Tinukoy din niya na ang township tulad ng sa Palayan ay patunay ng tagumpay kapag nagtutulungan ang iba’t ibang sektor—isang modelo na dapat ipagpatuloy at palawakin sa ilalim ng susunod na mga liderato.

“Ang Palayan City Township ay isa lang sa maraming proyekto. Mayroon din sa Quezon City, Bacolod, Davao, Marawi at marami pang iba. Sa Kongreso, sinisiguro po natin na tuloy-tuloy ang suporta sa pondo, batas at mga polisiya na magpapabilis sa pagbuo ng mga pabahay—at higit sa lahat, magpapadali sa pagkuha ng mga unit ng ating mga kababayan,” wika pa niya.

Bilang pagtatapos, binigyang-diin ng lider ng Lakas-CMD ang mas malalim na layunin ng 4PH program.

“Hindi lang tayo nagpatayo ng bahay. Nagtayo tayo ng pag-asa. Hindi lang bubong ang ibinigay natin. May seguridad, may dignidad at may bagong simula tayong iniaalay sa bawat pamilya,” aniya.

“And to our new homeowners: congratulations sa inyong bagong tahanan. This is just the beginning. Nandito po kami—ang gobyerno ninyo—para sumuporta sa bawat hakbang ng inyong bagong buhay,” pahayag pa niya.