Abante

Pamahalaang Lungsod ng Maynila, tutugon sa imbestigasyon sa donasyon

Edd Reyes Mar 4, 2025
11 Views

HANDA ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila na tumugon sa anumang isasagawang imbestigasyon kaugnay sa natanggap na donasyong motorsiklo mula sa isang volunteer group na kinabibilangan ng pinaghihinalaang espiya ng China.

Ayon kay Atty. Princess Abante, hepe ng Manila Public Information Office at tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna, nakaharap lamang minsan ng alkalde si Wang Yongyi lider ng Qiaoxing Volunteer Group sa seremonya ng pagkakaloob nila ng 10 motorsiklo noong noong taong 2022.

Si Wang Yongyi ay isa sa limang Chinese national na dinakip ng mga awtoridad sa hinalang nagsisilbi sila bilang espiya ng China sa Pilipinas.

Bago aniya isangguni sa tanggapan ng alkalde ang pagkakaloob ng donasyon ng grupo, nirebisa muna ng City Legal Officer at City General Services Office ang deed of donation at mga dokumento sa ipagkakaloob na mga motorsiklo na napatunayang maayos naman ang mga ito.

Kabilang sa mga ipinagkaloob sa lokal na pamahalaan ng grupo ang siyam na 2016 model at isang 2015 model na Sinski motorcycle na may kabuuang halagang P145,000.00 na katumbas ng P14,500. 00 ang bawa’t isa.

Binigyang diin ni Atty. Abante na kahit isng sentimong donasyon ay hindi tumanggap ang Office of the Mayor mula sa grupo kundi tanging mga motorsiklo lamang ang tinanggap na inilaan sa Manila Police District (MPD)

Mula aniya noon ay wala ng donasyon, proyekto, o anumang pag-uusap ang namagitan sa grupo ni Wang at ng tanggapan ni Mayor Honey Lacuna.

Sa kasalukuyan aniya ay inaalam pa ng pamahalaang lungsod ang detalye ng mga donasyong motorsiklo kung napapakinabangan pa ang mga ito.

Tininiyak din ni Abante na mananatilig transparent ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila kaugnay sa naturang usapin.