BBM4

Pamamahagi ng 90 ambulansya pinangunahan ni PBBM

Chona Yu Oct 30, 2024
42 Views

PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pamamahagi ng 90 na ambulansya sa ibat ibang bahagi ng bansa.

Ginawa ni Pangulong Marcos ang pamamahagi ng ambulansya sa Quirino Grandstand sa Manila para sa ika-90 anibersaryo ng Philippine Charity Sweepstakes Office.

Pakiusap ni Pangulong Marcos sa local government units, alagaan ang mga ambulansya.

“Ang hihilingin ko lang sa ating mga chief executives, sa ating mga LGU heads ay alagaan ninyo, patagalin ninyo,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Matibay naman itong mga ito, basta’t alagaan natin nang mabuti. Ang maganda rito sa pagpili namin nitong modelong ito, madaming piyesa ito, madaling ayusin, kahit saan ay makakahanap kayo. Kahit sinong mekaniko kayang ayusin itong mga emergency vehicle na ito,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Kasabay nito, inatasan ni Pangulong Marcos ang PCSO na tanggalin na ang palakasin system sa pamimigay ng ambulansya.

Hindi na aniya dapat na pairalin ang pagpapadrino bagkus bigyan ang mga LGUs na nangangailangan ng ambulansya kahit na hindi kaalyado o kapartido.