EJK

Pamilya ng mga EJK victims umaasa ng hustisya mula sa ICC

90 Views

UMAASA ang libo-libong pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJK) na kanilang makakamit ang hustisya kaugnay ng kalunos-lunos na sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay sa International Criminal Court (ICC), na nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay sa madugong drug war ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang sinabi ni dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares sa ikawalong pagdinig noong Biyernes ng quad committee ng Kamara de Representantes, isang panel na binubuo ng apat na komite na nagsisiyasat sa EJK, kalakalan ng iligal na droga, iligal na operasyon ng mga Philippine offshore gaming operator (POGO), at mga paglabag sa karapatang pantao.

Si Colmenares, na kumakatawan sa National Union of People’s Lawyers na nakikipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC, ay nagsabi na tiniyak ng mga responsable sa EJK na magiging mahirap ang pangangalap ng ebidensya upang patunayan ang kanilang ginawa.

“Mahirap magsampa ng mga kaso dito sa atin kasi mahirap kumuha ng ebidensiya. Walang CCTV, walang police report, walang pulis na nag-imbestiga. Pati prosecutor ayaw mag-file ng kaso,” saad nito sa joint panel ng Kamara.

Aniya, nakasaad sa death certificates na mga biktima ay namatay ang mga ito dahil sa broncho-pneumonia at hindi dahil sa tama ng bala.

Iginiit pa ng dating mambabatas, na katwiran ng mga responsable sa krimen, na karaniwan ay mga pulis, na nanlaban ang mga drug suspek kaya sila napatay.

Dagdag pa niya, iniimbestigahan na ng ICC ang mga EJK sa bansa simula pa noong 2017 at 2018.

Sa hiwalay na pahayag, hinimok naman ni Gabriela Women’s Party-list Rep. Arlene Brosas ang administrasyong Marcos na makipagtulungan sa ICC sa kanilang imbestigasyon sa mga kaso ng EJK.

Una nang inihayag ng mga opisyal ng gobyerno na hindi makikipagtulungan, subalit hindi rin naman hahadlangan ang ginagawang imbestigasyon ng ICC.

Iniimbestigahan ng ICC si Duterte at ilang mga opisyal nito, kabilang ang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) at ngayon ay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, sa mga alegasyon ng crimes against humanity na ginawa sa gitna ng kanilang anti-illegal drug campaign.

Nauna rito ay sinabi ni Duterte na kumakalas na ang Pilipinas sa pagiging kasapi ng ICC nang malaman na iniimbestigahan nito ang mga kaso ng EJK na resulta ng kanyang war on drugs.

Sa ginanap na pagdinig noong Biyernes, napakinggan ng quad comm ang mga testimonya ng mga kapamilya ng mga biktima ng EJK sa Davao City at Cebu City, na dating pinangasiwaan ni Ret. Col. Royina Garma.

Si Garma ay kabilang sa ilang mataas na opisyal ng pulisya na malapit kay dating Pangulong Duterte, na nagtalaga sa kanya bilang general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) matapos ang kanyang maagang pagreretiro sa PNP.

Sinabi ni Brosas na kabilang sa mga biktima ng EJK sa Davao City at Cebu City ay pawang mga bata at mga inosenteng tao.

Sinabi pa nito na isa sa mga napatay na biktima ay napagkamalan lamang o isang kaso ng mistaken identity.

“Then Col. Garma as chief of police considered them as collateral damage that could not be avoided,” ayon pa sa mambabatas.

Dagdag pa niya na isa sa “collateral damage” sa Cebu City ay isang apat na taong gulang na bata na tinamaan ng bala sa dibdib.

Iginiit din ni Brosas na si Garma ay nagpatupad ng matinding kampanya laban sa droga bilang hepe ng pulisya sa Davao City at Cebu City.